Marianne Bermundo Kathryn Bernardo Catriona Gray

Marianne Bermundo bibida sa isang advocacy film

MATABIL
ni John Fontanilla

MULA sa pagiging beauty queen ay handang-handa na ang 18 years old na si Marianne Bermundo na pasukin ang mundo ng pag-arte sa telebisyon at pelikula.

Mula nga sa pagiging Little Miss Universe Philippines 2021 at Queen Humanity International 2023ay bibida na ito sa advocacy film na Ako si Kindness.

Ipalalabas ito sa mga sinehan at pagkaraan ay gagawing serye na limang-episode ng teen drama series ang mapapanood na idinirehe ni Crisaldo V. Pablo at sinuportahan ng National Council for Children’s Television (NCCT).

Ginagampanan dito ni Marianne ang karakter ni Arisa, na nilikha para isulong ang pakikiisa, malasakit, at katatagan sa mga paaralan at komunidad.

Tinututukan ng serye ang mahahalagang isyu tulad ng inclusivity at pagbibigay ng boses sa mga mag-aaral at persons with disabilities (PWDs).

Aminado si Marianne na malaki ang impluwensiya sa kanya ng mga personalidad sa industriya na nagawang pagsabayin ang tagumpay at kababaang-loob. Kabilang sa kanyang mga iniidolo sa showbiz sina Asia’s Superstar Kathryn Bernardo at Miss Universe 2018 Catriona Gray.