arrest, posas, fingerprints

Sa Muntinlupa
Ninakaw na mga alahas nabuking sa resibo ng sanla kasambahay timbog

NADAKIP ng pulisya ang isang 43-anyos kasambahay matapos nakawin ang mga alahas na tinatayang nagkakahalaga ng P180,000 mula sa bahay ng kaniyang amo sa isang ekslusibong subdibisyon sa lungsod ng Muntinlupa.

Kinilala ang suspek na si alyas Janice, residente sa bayan ng Balayan, lalawigan ng Batangas, nagtatrabaho sa bahay ng isang negosyanteng nagmamay-ari ng jewelry shop sa Alabang Hills Village, Barangay Cupang, sa nabanggit na lungsod.

Nahaharap si alyas Janice sa pitong bilang ng kasong qualified theft sa ilalim ng Article 310 ng Revised Penal Code matapos matukoy ng kaniyang among kinilalang si alyas Maricor na isinanla ng suspek ang mga ninakaw na alahas sa isang pawnshop.

Sa pagsuri sa personal na mga kagamitan ng suspek, natagpuan ni alyas Maricor ang isang resibo mula sa isang sanglaan para sa isang gintong kuwintas na nagkakahalaga ng P12,571, na natukoy na kaniyang pag-aari.

Naberipika ng pulisya kalaunan na pitong alahas pa na tinatayang P90,315 ang halaga – kabilang ang mga kuwintas, mga singsing, mga hikaw, at mga pendant – ang nainsanla sa ilalim ng pangalan ni alyas Janice.

Samantala, narekober ang mga ninakaw na alahas, ngunit nananatiling nawawala ang ilan pang alahas na nagkakahalaga ng P94,145 – kabilang ang isang diyamanteng singsing, kuwintas na may diyamante, at emerald na pendant, relo, at pulseras.