NHCP kinastigo sa pagbawi ng CDO sa Ahunan Dam
PAKIL, Laguna — Kinuwestiyon at pinalagan ng mga heritage advocate ang biglaang pagbawi ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) sa Cease-And-Desist Order (CDO) laban sa 1,400-megawatt Ahunan Pumped Storage Hydropower Project sa bayang ito.
Batay sa mga opisyal na dokumento, unang ipinatupad ng NHCP ang CDO noong 25 Mayo 2026, sa ilalim ng official document tracking number OUT-2026-1837. Ito ay matapos magpatuloy ang Ahunan Power Inc. (API) sa konstruksiyon nang walang isinusumiteng Heritage Impact Assessment (HIA). Nanganganib din sa proyekto ang kalapit na Turumba Spring at ang makasaysayang San Pedro de Alcantara Parish Church na isang Grade II Level Cultural Property.
Ngunit noong 25 Hunyo 2026, sa liham na may tracking number PR-2026-182, tanging assurance letter na lang hinggil sa pagpigil sa alikabok (dust mitigation) ang hiningi ng NHCP. Pagsapit ng 1 Hulyo 2026, tuluyan nang binaligtad at inalis ni NHCP Chairman Regalado Trota Jose, Jr. ang CDO sa pamamagitan ng kautusang OUT-2026-2364 (na tumutukoy sa PR-2026-196). Ginamit na pangunahing batayan ng tserman ang pangako ng kompanya sa dust suppression, bagaman hindi binanggit sa huling liham kung nagsumite ba ang API ng orihinal na hinihinging HIA.
Dahil dito, nagpahayag ng matinding pangamba si Danilo Francisco, pinuno ng Justice, Peace and Integral Ecology Committee ng Laguna Ecumenical Movement at lead volunteer ng Commission on Ecology ng Diocese of San Pablo.
Idiniin ni Francisco na hindi sila laban sa kaunlaran, ngunit dapat masunod ang tamang proseso sa ilalim ng Republic Act No. 10066 o ang National Cultural Heritage Act.
Sa kaniyang pahayag, hayagang kinuwestiyon ni Francisco ang integridad ng hakbang na ito at hiniling ang transparency mula sa pamunuan ng NHCP. Nais niyang malaman kung naisumite at nasuri nga ba ang HIA bago binawi ang CDO, dahil ito ang pangunahing rekisito sa unang kautusan.
Ipinahayag din ng lider-ekolohista (ecologist) ang kaniyang pagtataka kung bakit biglang lumambot ang NHCP at mas tinutukan na lamang ang usapin ng alikabok sa simbahan, imbes silipin ang mas malawak na epekto ng dam sa kultura at estruktura ng komunidad na una na nitong ipinag-alala.
Kasabay nito, nag-alinlangan din si Francisco sa proseso ng pagpapasya at itinanong kung nagsagawa ba ang komisyon ng aktuwal na inspeksiyon sa Pakil o kung nagkaroon ba ng tapat na konsultasyon sa mga apektadong residente at mga stakeholder bago tuluyang pinayagang magpatuloy ang proyekto.
Sinubukan ng pahayagang ito na makuha ang opisyal na panig nina Chairman Regalado Trota Jose, Jr. ng NHCP at ng pamunuan ng Ahunan Power Inc., ngunit wala pa silang ibinibigay na tugon hanggang sa oras ng pagsulat.
