Firing Line Robert Roque

Nang maglaho ang katahimikan

FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.

AKALA natin, unti-unti nang humuhupa ang problema sa presyo ng langis. Sa mga nakaraang linggo, bumababa na ang presyo ng petrolyo dahil tila kumakalma ang sitwasyon sa Kipot ng Hormuz. Pero sandali lang pala ang ginhawang iyon. Bumagsak ang tigil-putukan sa pagitan ng Washington at Tehran, at muli na namang nagbabanta ang panibagong tensiyon sa Gitnang Silangan.

At alam na natin kung ano ang kasunod niyan. Kapag nagkaproblema sa suplay ng langis, tayo ang unang makakaramdam. Nagbabala na ang mga awtoridad na maaaring tumaas hanggang ₱4 kada litro ang diesel. Kung may magandang balita man, baka bahagyang bumaba ang presyo ng gasolina—pero maliit na ginhawa lang iyon.

Hindi na bago ang ganitong sitwasyon. Naranasan na natin ito noong unang bahagi ng taon. Tumaas ang gastos sa pasahe, pagkain, at iba pang bilihin. Nahirapan ang mga negosyo, at mas lalong kinapos ang maraming pamilya.

Ang magandang tanong ngayon: may natutuhan na ba tayo?

Sa totoo lang, hindi naman nagpabaya ang administrasyong Marcos noong huling sumiklab ang tensiyon. Nagbigay sila ng subsidiya sa mga tsuper ng pampublikong sasakyan, gumawa ng mga hakbang para hindi agad sumipa ang pasahe, at pansamantalang isinuspinde ang excise tax sa LPG at kerosene nang sumirit ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Kumilos din ang Department of Energy laban sa hoarding at pinabilis ang ilang programa sa renewable energy. Hindi man perpekto ang mga hakbang na iyon, ipinakita nilang may kakayahan ang gobyerno na kumilos kapag kinakailangan.

Kaya sana, huwag na nating hintayin na muli na namang sumakit ang bulsa ng bawat Filipino bago umaksiyon. Matagal nang sinasabi ng mga eksperto na maaaring pansamantalang suspendihin ang excise tax at VAT sa produktong petrolyo at palawakin ang subsidiya, hindi lang para sa mga tsuper kundi pati sa mga pamilyang pinakamalaking naaapektohan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Dapat din kilalanin ang naging papel ng Petron Corporation noong kasagsagan ng krisis. Nang maipit ang malaking bahagi ng inaasahan nitong suplay ng krudo, mabilis itong humanap ng alternatibong mapagkukuhaan sa tulong ng pamahalaan. Dahil dito, nanatiling sapat ang suplay ng langis sa bansa kahit malaki ang naging kabawasan sa kita ng kompanya.

Malamang na hindi natin kontrolado ang nangyayari sa Gitnang Silangan. Pero kontrolado natin kung paano tayo maghahanda. Kung alam na nating puwedeng maulit ang ganitong krisis, bakit pa hihintayin na naman nating maramdaman ito sa bawat litro ng diesel at gasolina bago kumilos? Mas mabuting maagap kaysa muling habulin ang problemang matagal na nating nakitang paparating.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).