Puregold OPM Con Generations 2026

Puregold OPM Con Gen dinagsa, iba’t ibang genre pinag-isa

NAKAKIKILABOT ang dami ng taong nagtungo sa Araneta Coliseum noong Sabado, Hulyo 11, 2026, para manood ng Puregold OPM Con Generations 2026. Ito ang pinakamalaki at pinakamasiglang pagdiriwang ng Original Pilipino Music (OPM), tampok ang ilan sa pinakamahuhusay at pinakasikat na pangalan sa industriya ng musika sa bansa.

Umaga pa lang ay marami na ang nagtungo sa Big Dome para mauna sa pila sa pagpasok para matunghayan ang pagsasanib-puwersa ng Puregold at iba’t ibang OPM artists. Hindi naman nabigo ang Puregold sa adhikaing makapagbigay-saya sa mga manonood. Dahil muling pinabilib ng OPM Conang mga tagasuporta’t manonood sa pambihirang pagtatanghal ng pinagsama-samang pinakamahuhusay na artistang OPM, isang pagdiriwang na tanging Puregold lamang ang makapaghahatid.

Pinagsama ng Puregold OPM Con Generations 2026 ang mga haligi ng OPM at ang mga umuusbong na artista sa iisang entablado. Sa harap ng libo-libong tagahanga na dumagsa sa Big Dome, nagsilbing pagpupugay ang OPM Con sa mga musikero, awitin, at komunidad na patuloy na humuhubog sa OPM sa iba’t ibang henerasyon.

“Matagal nang tahanan ang Big Dome ng ilan sa mga pinakatanyag na OPM artists at hindi malilimutang pagtatanghal. Kaya naman napakalaking karangalan para sa Puregold na makita itong muling mapuno dahil sa pagmamahal ng mga Filipino sa sariling musika,” ani Ivy Hayagan-Piedad, Senior Marketing Manager ng Puregold Price Club Inc. “May natatanging kakayahan ang OPM na pag-isahin ang iba’t ibang henerasyon. Lubos kaming nagpapasalamat sa mga artista, tagahanga, komunidad, katrabaho, at sa lahat ng tumulong para maisakatuparan ang makasaysayang pagdiriwang na ito para sa OPM.

Pinangunahan ng SB19, Ben&Ben, Alamat,  Flow G, Skusta Clee, SunKissed Lola, G22, KAIA, at XONARA ang konsiyerto, na nagpakita ng lawak at husay ng makabagong OPM. Mula P-pop, folk-pop, at alternative music hanggang hip-hop at contemporary pop, ipinamalas ng mga nagtanghal ang iba’t ibang tunog at estilo na sumasalamin sa kasiglahan ng industriya ng musikang Pinoy sa kasalukuyan.

Ramdam din sa buong gabi ang diwang-komunidad na tatak na ng OPM Con. Nagtipon-tipon ang mga pamilya, magkakaibigan, at iba’t ibang fandom sa ilalim ng iisang bubong, pinag-isa ng pagmamahal sa musikang Filipino anuman ang genre o henerasyong kinabibilangan. 

Mula sa unang pagtatanghal hanggang sa huling encore, hindi humupa ang enerhiya ng mga manonood sa kanilang malalakas na hiyawan, sabayang pag-awit, at walang sawang palakpakan.

Higit pa sa mga pagtatanghal, patunay din ang makasaysayang konsiyerto sa patuloy na lumalakas na suporta ng mga Filipino sa sariling musika at sa mga artistang nagbibigay-buhay dito. Ipinakita ng napakalaking bilang ng mga dumalo ang pagtanggap ng publiko sa OPM Con ngayong taon, at muling pinagtibay ang mahalagang gampanin ng OPM sa kulturang Filipino at sa puso ng mga tagahangang patuloy na sumusuporta rito.

Sa tatlong matagumpay na edisyon nito, patuloy na lumalago ang Puregold OPM Con kasabay ng industriya ng musikang Filipinong buong pagmamalaki nitong sinusuportahan. 

Sa paglipas ng mga taon, isa na ito sa mga pangunahing platapormang nag-uugnay sa mga musikero, tagahanga, at mga nagmamahal ng musika. Habang patuloy na umuunlad ang musikang Filipino, nananatiling nakatuon ang Puregold sa paglikha ng mga karanasang nagpapatibay sa ugnayang ito.