Rodante Marcoleta

Marcoleta puwede nang bumiyahe – PNP

SINABI ng Philippine National Police (PNP) na puwede nang bumiyahe si Sen. Rodante Marcoleta maigi na ang kanyang kondisyon mula sa mild pneumonia at altapresyon.

Pero, mas nais ng PNP na hintayin ang pagtatapos ng pitong araw na antibiotic treatment ng senador bago siya ihatid sa Sandiganbayan.

Sa Miyerkoles, 15 Hulyo matatapos ang pag-inom niya ng gamot.

Ayon kay Lt. Col. Benaly Bayani, hepe ng Internal Medicine ng PNP General Hospital, makabibiyahe na si Marcoleta kahit anong oras ngunit mas mainam na makompleto muna ang iniinom niyang gamot para sa kanyang kondisyon sa baga.

Dinala si Marcoleta sa PNP General Hospital nang makaranas ng pananakit ng dibdib at batok habang isinasagawa ang booking procedure kasunod ng pag-aresto sa kanya noong 6 Hulyo kaugnay ng kasong plunder.

Nakita na dumaranas si Marcoleta ng mild pneumonia habang naka-confine bagamat stable na ang kanyang blood pressure na nasa 130/90 batay sa pinakahuling pagsusuri.

Maglalabas ng commitment order ang Third Division Sandiganbayan kapag naiharap si Marcoleta. Hindi nakapagbigay ng eksaktong araw at oras si Bayani sa paglilipat kay Marcoleta sa kustodiya ng BJMP. Kasalukuyang nakakulong sa New Quezon City Jail sa Barangay Payatas ang tatlo niyang kapwa akusado.