Sara Duterte PBBM Bongbong Marcos

Grabeng banta ni VP Sara vs PBBM seryoso, ‘di peke

SERYOSO, totoo, at hindi peke.

Ganyan ang turing ng National Bureau of Investigation (NBI) sa “assassination threat” ni Vice President  Sara Zimmerman Duterte – Carpio  laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.

“To me, as chief investigator at the time, the utterances made by the Vice President [were] serious, and the threat was real and actual,” ani Atty. Jeremy Lotoc, Regional Director ng National Bureau of Investigation – Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (NBI-BARMM) na tumestigo sa ika-apat na araw ng impeachment trial laban kay Duterte.

Kabilang si Lotoc sa mga saksi ng prosekusyon sa ika-apat na artikulo ng impeachment kaugnay ng “grave threats” laban sa Pangulo.

Inihayag ni Duterte ang grabeng pagbabanta sa isang online media briefing noong 23 Nobyembre 2024, na sinabi niyang nakahanap na siya ng taong papatay kay Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.

Iyon ang panahon na pinamumunuan ni Lotoc ang cybercrime division ng NBI.

Aniya, bago nila itinuring na credible ang mga pahayag ni Duterte, sinuri nila ang “nilalaman at konteksto” ng mga sinabi nito, pati na ang reaksiyon ng mga taong tinutukoy sa banta.

Ani Lotoc, isinama rin ng NBI sa kanilang pagsusuri ang naunang pahayag ni Duterte noong 18 Oktubre 2024, kung saan sinabi nitong gusto niyang pugutan ng ulo si Marcos.

Sa pag-aanalisa, tinimbang ng NBI ang paraan ng pagkakasabi, literal na kahulugan ng mga salita, klase ng utos, at relasyon ng mga sangkot.

“The vice president was furious and fuming mad when she uttered those [remarks],” sabi ni Lotoc, na idinagdag pang “absolute” ang banta.

“Bilang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, may kakayahan si Duterte na isakatuparan ang mga banta,” diin ni Lotoc.

“The NBI, in its analysis, established the intent, motive, and capability of the vice president to carry out the threats she mentioned,” pahayag ni Lotoc.

Iniharap ng House prosecution panel ang testimonya na nagsasabing natuklasan ng NBI ang prima facie evidence na may tinatawag na “reasonable certainty of conviction” laban kay VP Sara kaugnay ng kanyang mga banta.

Nang tanungin ni Presiding Officer Sen. Francis Escudero kung may sapat na batayan para magsampa ng reklamo. Sagot ni Lotoc: “Yes.”

“We believe that the Vice President committed a crime of grave threats and inciting to sedition” dagdag ng NBI official.

Sa kabila nito, itinanggi ng depensa, sa pangunguna ni Atty. Mark Vinluan, na nag-utos si Duterte ng pagpatay sa Pangulo. Aniya, maghahain sila ng ebidensiya para patunayang walang basehan ang akusasyon.