KALABOSO ang isang lalaking inaakusahan sa maraming bilang ng paggagahasa at pagnanakaw nang madakip ng composite team mula sa iba’t ibang yunit ng PRO3 PNP sa isang parking lot sa Brgy. San Jose, lungsod ng San Fernando, lalawigan ng Pampanga, nitong Huwebes ng hapon, 10 Hulyo.
Sa ulat na ipinadala kay PRO 3 Regional Director P/BGen. Jess Mendez, inaresto ang suspek na kinilalang si William Corre, ng magkakasanib na puwersa ng SOU3 PNP Drug Enforcement Group (DEG), City of San Fernando Police Station, CIDG Pampanga, Regional Special Operations Group 3 (RSOG 3), Regional Intelligence Unit 3 (RIU 3), at Provincial Intelligence Unit (PIU) Pampanga.
Batay sa ulat, ikinasa ang operasyon sa bisa ng arrest warrants na inisyu ni Presiding Judge Jesusa Mylene Suba Isip ng Guagua, Pampanga RTC Branch 49, para sa mga kasong Rape and Rape by Sexual Assault sa ilalim ng Revised Penal Code, ba inamyendahan ng Republic Act No. 8353, na naitala sa ilalim ng Criminal Case Nos. G-26-20538, G-26-20539, at G-26-20540, na pawang may petsang 30 Hunyo 2026.
Dagdag ni P/BGen. Mendez, ang akusado ay iniuugnay sa mga serye ng insidente ng pagnanakaw at acts of lasciviousness sa Pampanga.
Pinakahuling biktima ni Corre ay ang vlogger na si Bhevs Navarro na nagsampa na ng kasong robbery at acts of lasciviousness laban sa suspek na tinagurian bilang βserial maniacβ dahil sa magkakahawig na reklamo ng pananakot, pagnanakaw, at panghahalay.
Dahil sa sunod-sunod na kasong kinasangkutan ni Corre, nag-alok ang PRO-3 P500,000 na pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa loob lamang ng 24 oras matapos na siya ay maitala bilang wanted person.
Kasunod ng pagkakaaresto kay Corre, nagsulputan ang iba pa niyang nabiktima kabilang ang isang business owner na nagsalita laban sa naarestong suspek na biktima rin umano ng sexual assault.
Ayon sa biktima, nangyari ang insidente dakong 3:00 ng hapon noong 19 Mayo 2026 habang nagbabantay siya sa kaniyang mini grocery sa Brgy. Panipuan, sa nabanggit na lungsod.
Aniya, pumasok si Corre sa tindahan at nagpanggap na customer hanggang ilang sandali pa ay bigla umanong isinara ng suspek ang pinto ng tindahan at tinutukan siya ng baril bago isinagawa ang pangmomolestya.
Katulad ng salaysay ng iba pang mga biktima, sinabi din ng negosyante na panunutok ng baril ang ginamit na pananakot ng suspek.
Nagpasalamat ang biktima na nakalabas siyang ligtas sa kaniyang tindahan matapos ang insidente. (MICKA BAUTISTA)
