DALAWANG miyembro ng Batingan Group, isang target-listed group na sangkot sa ilegal na droga at mga insidente ng pagnanakaw ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba sa Brgy. Gumaoc West, City of San Jose Del Monte, Bulacan kamakalawa.
Batay sa ulat ni PLtColonel Reyson M Bagain, hepe ng San Jose Del Monte City Police Station, nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang pinagsanib na puwersa ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ng SJDM CPS at Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Bulacan PPO na nagresulta sa pagkakaaresto kina alias “Toto,” 53, sinasabing lider ng Batingan Group, at alias “Pengas,” 42, na kapwa PNP-PDEA target-listed personalities.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang humigit-kumulang 10 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang may Standard Drug Price na Php 68,000.00, buy-bust money, isang Caliber .45 pistol na may apat na bala, at iba pang kaugnay na ebidensya.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, gayundin sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa mga suspek.
Patuloy na pinaigting ng Bulacan Police Provincial Office sa pamumuno ni PColonel Jay B Baybayan, acting provincial director, ang kampanya laban sa ilegal na droga at iba pang anyo ng kriminalidad upang matiyak ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng bawat mamamayan sa lalawigan ng Bulacan. (MICKA BAUTISTA)
