Puregold OPM Con Generations 2026 SB19 Flow G

SB19, Flow G, at OPM Superstars pinayanig Big Dome 

ni Allan Sancon

NAGMISTULANG isang napakalaking OPM festival ang Smart Araneta Coliseum matapos punuin ng libo-libong fans ang Puregold OPM Con Generations 2026, ang pinakamalaking selebrasyon ng Original Pilipino Music na muling nagbuklod sa mga alamat at bagong henerasyon ng mga OPM artist. 

Mula umpisa hanggang sa huling encore, walang humpay ang hiyawan, kantahan, at palakpakan ng mga manonood na naging saksi sa isang makasaysayang gabi ng musika.

Isa sa mga pinaka-inabangang bahagi ng concert ay ang explosive performance ng SB19 na talaga namang nagpadagundong sa buong Big Dome. Sabay-sabay na umawit at sumayaw ang libo-libong A’TIN at OPM fans habang inihahatid ng P-pop kings ang kanilang hit songs.

Ramdam sa bawat sulok ng Araneta ang matinding enerhiya at excitement na nagpatunay kung bakit isa ang SB19 sa pinakamalalaking pangalan sa industriya ngayon.

Hindi rin nagpahuli ang mga world-class collaborations na nagbigay ng kakaibang kulay sa concert. Nagpalakpakan ang audience sa makasaysayang pagtatambal nina Bamboo at SB19, na nagsanib sa rock at P-pop sa isang hindi malilimutang performance. 

Pinainit din nina Chito Miranda at Flow G ang entablado sa kanilang astig na collaboration, habang nagbigay ng goosebumps ang pagsasanib ng rap at R&B nina Skusta Clee at Jay Durias ng South Border. Dagdag kilig pa ang espesyal na pagtatanghal ng KAIA kasama si Sam Concepcion, na naghatid ng fresh at energetic performance.

Isa sa mga pinaka-pinag-usapang eksena ng gabi ang bonggang grand entrance ni Flow G, na dumating sa entablado sakay ng isang Puregold racing car. Paglabas pa lamang ng rapper ay umalingawngaw na ang sigawan ng mga manonood, na lalong nagpaangat sa adrenaline ng buong venue.

 Isa itong production number na nagpabilib sa lahat at nagpakitang muli ng world-class entertainment na hatid ng Puregold OPM Con.

Bukod sa SB19, nagbigay din ng de-kalibreng performances ang Ben&Ben, Alamat, G22, Sunkissed Lola, Skusta Clee, KAIA, XONARA, Flow G at iba pang mahuhusay na OPM artists. 

Pinatunayan ng bawat pagtatanghal na patuloy na yumayabong ang OPM at kaya nitong pag-isahin ang iba’t ibang henerasyon ng musikero at tagahanga sa iisang entablado.

Ayon kay Ivy Hayagan-Piedad, Senior Marketing Manager ng Puregold Price Club Inc., ipinagmamalaki ng Puregold ang patuloy nitong pagsuporta sa OPM at sa mga artistang nagbibigay-inspirasyon sa sambayanang Filipino. Sa loob lamang ng dalawang araw ay sold out na ang tickets ng concert, patunay sa napakalaking suporta ng publiko at sa pagmamahal nila sa musikang Pinoy.

Sa matagumpay na pagtatapos ng Puregold OPM Con Generations 2026, muling pinatunayan ng Puregold na higit pa sa pamimili ang hatid nito sa mga Filipino—isa rin itong tagapagtaguyod ng musika, kultura, at pagkakaisa. Sa dami ng mga world-class performances, nakagugulat na collaborations at hindi malilimutang production numbers, walang duda na ang OPM ay patuloy na mabubuhay at magbibigay-inspirasyon sa susunod pang mga henerasyon ng mga Filipino.