Mannix Carancho Fyang Smith JM Ibarra

Fyang at JM ‘di totoong nagli-live in — Mannix Carancho

MA at PA
ni Rommel Placente

IPINAGTANGGOL ng talent manager na si Mannix Carancho ang kanyang alagang si Fyang Smith laban sa mga sinasabi ng iba na maldita umano ito.

Ayon kay Mannix, mabait si Fyang.

“Siguro dahil hindi niya pa close ’yung maraming tao, akala tinatarayan sila. Pero kapag nakilala niyo siya, wala kang masasabi sa pakikisama niya,” paliwanag niya.

“Napakabait, walang masamang tinapay. Walang insecurities. Gusto niya lang mag-enjoy,” aniya pa.

Sa tanong kung paano nagsimula ang pagiging bahagi ni Fyang ng kanilang talent agency,ang sabi ni Mannix, “Bumibisita sa Mannix House, nagko-content. Nagustuhan po namin siya at nagustuhan niya rin ‘yung environment po roon. Naging probationary muna kami for three to six months. Ngayon, three years ko na siyang mina-manage.”

Samantala, kinuha ang reaksIyon ni Mannix sa chika na nakikipag-live in na si Fyang sa ka-loveteam nito na si JM Ibarra.

Ang tanging sagot niya ay misunderstood lang ang  dalawa.

Na parang sinasabi niya na lagi kasing magkasama sina JM at Fyang kaya napagkakamalang nagsasama na sila sa iisang bubong.

Pero nauna nang Idinenay ni JM ang live-in issue sa kanila ni Fyang, sa isang panayam sa kanya.