SEA Plus Youth Games inilunsad, Pinas handa sa makasaysayang hosting sa 2027
MANILA — Pormal nang inilunsad ang kauna-unahang Southeast Asian Plus Youth Games (SEAPYG) sa isang maghapong programa nitong Sabado sa Solaire Resort sa Parañaque City, hudyat ng panibagong yugto para sa mga batang atleta ng Pilipinas, Timog-Silangang Asya at iba pang bansa sa Asya.
Ayon kay SEAPYG founding president Abraham “Bambol” Tolentino, layunin ng torneo na punan ang puwang sa pagitan ng grassroots sports at mas malalaking internasyonal na torneo gaya ng Asian Youth Games at Youth Olympic Games.
“Ang SEA Plus Youth Games ang aming sagot—isang paligsahang binuo ng Timog-Silangang Asya at bukas sa mas malawak na pamilyang Asyano, na nakatuon sa mga atletang edad 16 pababa na siyang kinabukasan ng Olympic Movement,” ani Tolentino.
Tinanggap ni Tolentino ang mga opisyal ng National Olympic Committees at embahada mula sa 15 bansa sa paglulunsad ng kauna-unahang edisyon ng SEAPYG na iho-host ng Pilipinas sa Maynila, Pasig City, Tagaytay City at Subic mula Disyembre 2 hanggang 14, 2027.
Aabot sa 28 bansa—11 mula sa Timog-Silangang Asya at 17 mula sa iba pang bahagi ng kontinente—ang inaasahang magpapadala ng mga atleta na maglalaban sa 23 sports na isasagawa sa apat na competition clusters.
Ayon kay Local Organizing Committee president at CEO Ramon “Tats” Suzara, makatutulong ang torneo upang maabot ang pandaigdigang pamantayan sa pagho-host ng iba’t ibang sports at masulit ang mga pasilidad ng Philippine Sports Commission (PSC).
“Isa ito sa matibay na napagkasunduan namin ni President Bambol at PSC Chairman Patrick ‘Pató’ Gregorio,” ani Suzara.
Sinimulan ang programa sa unang Executive Council Meeting ng SEAPYG, kasunod ang inspeksiyon ng mga delegado sa mga pasilidad ng Rizal Memorial Sports Complex at SMXCITE (SMX Center for International Trade and Exhibitions).
Nagtapos ang paglulunsad sa isang gala dinner at makulay na cultural presentation na dinaluhan ng mga delegado mula sa Qatar, Chinese Taipei, Bhutan, Japan, Kuwait, Nepal, Maldives, Malaysia, Macau, Kyrgyzstan, Bahrain, DPR Korea, India, Palestine, Saudi Arabia, Jordan, Australia, New Zealand, Fiji at Turkmenistan.
Kabilang sa mga sports na paglalabanan ang athletics, swimming, basketball (3×3 at 5×5), boxing, tennis, gymnastics, golf, triathlon, arnis, taekwondo, judo, billiards, dancesport, fencing, jiu-jitsu, karate, mixed martial arts, wrestling, speed cubing at skateboarding, bukod pa sa mga para event sa athletics at swimming.
Nakatakdang maging pinakamalaking youth multi-sport event na iho-host ng bansa, inaasahang magsisilbing mahalagang hakbang ang SEAPYG sa paghubog ng susunod na henerasyon ng mga atletang Asyano. (POC/HNT)
