Pangarap na Sports University, abot-kamay na sa suporta ng PAGCOR
BAGUIO CITY — Mas lalong lumalapit sa katuparan ang matagal nang minimithing Sports University ng bansa matapos buong suportahan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang Philippine Sports Commission (PSC) sa naturang proyekto.
Ayon kay PSC Chairman Patrick Gregorio, mahalaga ang naging papel ni Pagcor Chairman Alejandro “Al” Tengco sa pagsusulong ng mga programa para sa pambansang palakasan.
“Si Chairman Al Tengco ay hindi lamang tagapagbigay ng pondo. Nauunawaan niya kung ano talaga ang kailangan ng Philippine sports upang higit pang umunlad. Napakahalaga ng ganitong suporta,” ani Gregorio.
Target na itayo sa New Clark City ang Sports University na inaasahang magsisilbing pangunahing sentro ng edukasyon, pagsasanay at pananaliksik para sa mga atleta. Katulad ng ibang bansa sa Asya, layunin nitong higit pang paunlarin ang sistematikong paghubog sa susunod na henerasyon ng mga atletang Pilipino.
Kasunod ito ng paglagda sa memorandum of agreement (MOA) ng Philippine Military Academy (PMA), Bloomberry Cultural Foundation Inc. at Pagcor para sa pagtatayo ng isang modernong warfare laboratory sa Fort General Gregorio H. Del Pilar noong Biyernes.
“Panahon na upang magkaroon ang Pilipinas ng isang Sports University,” diin ni Tengco.
Aniya, napag-usapan nila ni Gregorio ang iba pang paraan ng pagtutulungan bukod sa buwanang suportang ipinagkakaloob ng Pagcor sa PSC.
Sa ilalim ng batas, limang porsiyento ng gross gaming revenue ng Pagcor ang inilalaan sa PSC, na ngayon ay umaabot sa halos P400 milyon bawat buwan o tinatayang P5 bilyon kada taon.
Lalo pang lumakas ang pondong natatanggap ng PSC matapos ipatupad noong Enero 1, 2026 ang desisyon ng Korte Suprema na nagkakaloob sa komisyon ng buong limang porsiyentong bahagi mula sa gross gaming revenue ng Pagcor.
Ayon kay Tengco, malaking bahagi ng tagumpay ng mga atletang Pilipino sa iba’t ibang pandaigdigang kompetisyon ay bunga ng sapat na suporta sa pananalapi.
“Marami tayong atletang Pilipino ang nagwawagi ngayon dahil sa tulong ng Pagcor. Ngunit higit pa rito, mahalaga ang malinaw na bisyon at mahusay na pamamahala ni Chairman Patrick Gregorio,” aniya.
Binigyang-diin din ni Tengco na hindi sapat ang malaking pondo kung hindi ito maayos na napapamahalaan at direktang napakikinabangan ng mga atleta.
Para naman kay Gregorio, bawat pisong inilalabas para sa sports ay dapat magresulta sa mas mahusay na pagsasanay, mas modernong pasilidad at mas maraming oportunidad para sa mga atletang Pilipino.
“Karapat-dapat ang ating mga atleta hindi lamang sa pinansyal na suporta kundi pati sa katiyakang inuuna ang kanilang kapakanan. Ang bawat piso ay dapat magbunga ng mas mahusay na training, pasilidad at oportunidad,” ani Gregorio.
Nilagdaan nina PMA Superintendent Vice Admiral Caesar Bernard N. Valencia at Bloomberry Cultural Foundation Inc. President Donato C. Almeda ang kasunduan kasama si Tengco para sa pagtatayo ng modernong warfare laboratory.
Sa hiwalay na MOA, pinagtibay nina Gregorio at Valencia ang mas malalim na ugnayan ng PSC at PMA upang mapaigting ang pagsasanay ng national pool sa judo, karate, taekwondo, fencing, shooting at wall climbing.
Nagkaloob din ang PSC ng mga bagong kagamitan para sa mga cadet-athletes bilang bahagi ng pagpapalakas sa kanilang paghahanda sa mga lokal at internasyonal na torneo.
Bukod sa pagtatayo ng Sports University, isinusulong din ng PSC ang pagpapatayo at pagpapaganda ng mga sports complex sa iba’t ibang lalawigan upang hindi na kinakailangang bumiyahe pa sa Metro Manila ang mga atleta para lamang makapag-ensayo.
“Kapag natapos natin ang mga pasilidad sa mga pangunahing lungsod at lalawigan, makakapagsanay na ang ating mga atleta malapit sa kanilang mga tahanan,” sabi ni Tengco.
Sa matatag na suporta ng Pagcor at sa pamumuno ni Gregorio, hindi na lamang pangarap ang Sports University kundi isang konkretong hakbang tungo sa bagong yugto ng pag-unlad ng palakasan sa Pilipinas. (PSC/HNT)
