Pilipinas at Taiwan kampeon sa Asia Pacific Padel Cup 2026
MANILA — Naghari ang Pilipinas sa Professional Division habang kinopo naman ng Taiwan ang Amateur Division sa pagtatapos ng Asia Pacific Padel Cup (APPC) 2026 sa Play Padel McKinley West.
Pinagtagpo ng torneo ang ilan sa pinakamahuhusay na koponan ng padel mula sa iba’t ibang bansa sa Asia-Pacific, tampok ang matitinding laban na nauwi sa dalawang kapanapanabik na finals.
Sa Professional Division, winalis ng Padel Pilipinas ang Prescott Development Team ng Pakistan, 3-0, upang matagumpay na maipagtanggol ang titulo sa sariling bakuran.
Binuksan nina LA Cañizares at Jason Tamayo ang kampanya ng Pilipinas sa men’s doubles matapos talunin sina Abdullah Adnan at Muhammad Salar, 6-3, 6-3.
Sinundan ito nina Tao Yee Tan at Marian Capadocia na walang awang dinomina sina Aqsa Khalid at Sheeza Sajid, 6-0, 6-0, sa women’s doubles.
Tinuldukan nina Jason Tamayo at Marian Capadocia ang malinis na panalo ng host nation matapos manaig kina Muhammad Salar at Sheeza Sajid, 6-3, 6-3, sa mixed doubles.
Nasungkit naman ng Ace Padel India Team ang ikatlong puwesto matapos talunin ang PadThai Padel Thailand Team. Mula sa maagang pagkabigo, nakabangon ang India at nagtala ng apat na panalo laban sa isang tagumpay ng Thailand upang maselyuhan ang bronze medal.
Professional Division Final Standings:
Pilipinas (Padel Pilipinas)
Pakistan (Prescott Development Team)
India (Ace Padel India Team)
Dahil sa kanilang namumukod-tanging laro sa buong torneo, kinilala sina Jason Tamayo bilang Male Most Valuable Player at Joanna Tao Yee Tan bilang Female Most Valuable Player ng Professional Division.
Samantala, inagaw ng Taiwan ang korona sa Amateur Division matapos pataubin ang Prescott Development Team ng Pakistan, 2-1, sa finals.
Nauna pang umabante ang Pakistan nang manaig sina Mir Saqib at Samer Zaman laban kina Yu-Hao Wu at Wen-Hao Chang ng Taiwan, 4-6, 6-4, 6-2, sa men’s doubles.
Agad namang gumanti ang Taiwan sa women’s doubles sa pangunguna nina Pei-Chuan Kao at Yu-Chieh Hsieh, na madaling dinaig sina Momina Imran at Mahnoor Ghalib, 6-0, 6-1.
Sa labanang nagtakda ng kampeon, nanaig sina Chuan-Yu Chiu at Chin-Yuan Lee ng Taiwan laban kina Zain Ul Abideen Sohail at Ibrahim Shiraz sa kapanapanabik na tatlong set, 6-7, 6-2, 7-6, upang maiuwi ang kampeonato.
Sa labanan para sa ikatlong puwesto, winalis ng Team Philippines ang South Korea, 3-0, matapos magpakitang-gilas sa magkakasunod na dominanteng panalo.
Amateur Division Final Standings:
Taiwan (gopadel)
Pakistan (Prescott Development Team)
Pilipinas (Team Philippines)
Kinilala rin ang mga pangunahing manlalaro ng Taiwan matapos hiranging Male MVP si Chuan-Yu Chiu at Female MVP si Pei-Chuan Kao sa Amateur Division.
Muling ipinakita ng APPC 2026 ang mabilis na pag-unlad ng padel sa rehiyon ng Asia-Pacific. Bukod sa matinding kompetisyon, nagsilbi ring daan ang torneo upang higit pang mapagtibay ang lumalawak na reputasyon ng Maynila bilang isa sa mga pangunahing sentro ng pandaigdigang padel sa rehiyon, sa pagtitipon ng mga atleta, coach, opisyal at tagasuporta na nagkaisa sa pagdiriwang ng patuloy na paglago ng isport. (HNT)
