P3-M premyo Gentry Open

P3-M papremyo sa Gentry Open, pinakamalaki sa kasaysayan ng torneo

TAGUIG — Itataas pa ng Gentry Open Tennis Championships ang antas ng lokal na tennis matapos ihayag ang makasaysayang P3 milyong kabuuang papremyo para sa ikalawang edisyon ng torneo na gaganapin mula Agosto 20 hanggang 30 sa CSA Tennis Stadium sa Del Monte, Bulacan.

Inanunsyo ni negosyante at sports patron na si Hayb “Pareng Hayb” Anzures, tagapagtatag ng Gentry Timepieces at chairman ng organizing committee, ang pinakamalaking prize pool sa kasaysayan ng torneo sa opisyal na media launch nitong Biyernes sa Bonifacio Global City, Taguig.

Ayon kay Anzures, nais niyang maibalik sa komunidad ang tagumpay na kanyang natamo sa negosyo sa pamamagitan ng pagsuporta sa tennis at pagbibigay ng mas malaking oportunidad sa mga atletang Pilipino.

“Ang Gentry Open ay patunay ng aming pangakong tulungan ang mga atletang Pilipino na mangarap nang mas mataas, makipagsabayan nang mas matindi at maniwalang kaya nilang magtagumpay sa mas malalaking entablado. Kung nais nating umunlad ang tennis sa bansa, dapat tayong mamuhunan sa kinabukasan nito,” ani Anzures.

Dumalo rin sa paglulunsad ang mga kinatawan ng Palawan Group of Companies at SkyWarrior Philippines, ang opisyal na ball partner ng torneo.

Matapos ang matagumpay na unang edisyon noong nakaraang taon, nagbabalik ang Gentry Open na may mas malaking papremyo, mas matinding kompetisyon at mas pinalawak na suporta sa pagpapaunlad ng tennis sa Pilipinas.

Iginiit ni Anzures na higit pa sa isang paligsahan ang torneo dahil isa itong pangmatagalang pamumuhunan para sa mga atleta, sa layunin ng isport at sa karangalan ng bansa.

Samantala, ibinunyag ni Tournament Director Bobby Mangunay na halos mapuno agad ang main draw ilang araw pa lamang matapos buksan ang pagpaparehistro, habang umabot na sa halos 300 ang kalahok sa juniors division kaya magsasagawa ng qualifying rounds upang mabigyan ng pagkakataon ang mas marami pang manlalaro.

Malalaki rin ang naghihintay na gantimpala sa mga kampeon ngayong taon. Tatanggap ang kampeon sa men’s singles ng P400,000, habang P300,000 naman ang mapupunta sa women’s singles champion, bukod pa sa mga premium na premyo at eksklusibong giveaways.

Ayon kay Mangunay, hindi lamang malaking cash prize ang inaabangan sa torneo dahil noong nakaraang taon ay tumanggap din ang mga kampeon ng mamahaling relo na mas mataas pa ang halaga kaysa sa kanilang napanalunang salapi.

Nakatakdang depensahan nina Tenielle Madis, kasalukuyang No. 2 women’s player ng bansa, at Igg Pantino ang kanilang mga korona laban sa matitinding katunggaling kinabibilangan nina Marian Capadocia, AJ Lim, Palawan Open champion Chris Papa, at ilang internationally ranked ITF players.

Bukod sa kompetisyon, patuloy ring isinusulong ng Gentry Open ang grassroots tennis, sportsmanship at mas matibay na ugnayan ng pribadong sektor at ng komunidad ng palakasan.

Binigyang-diin ni Anzures na hangarin nilang gawing isang matatag na institusyon ang Gentry Open na huhubog sa susunod na henerasyon ng mga kampeon, magpapalakas sa komunidad ng tennis at kikilalanin sa buong Timog-Silangang Asya.

“Ang tunay na tagumpay ay hindi lamang nasusukat sa dami ng tropeo kundi sa buhay ng mga atletang natutulungan nating mabago sa pamamagitan ng isport,” pagtatapos ni Anzures. (HNT)