Mannix Carancho Fyang Smith

Fyang Smith dinepensahan ng manager: mabait na bata at walang masamang tinapay

ni MARICRIS VALDEZ

NAPAKABAIT, walang masamang tinapay. Walang insecurities,” ito ang iginiit ng talent manager na si Mannix Carancho ukol sa alagang si Fyang Smith.

Alaga na ni Mannix si Fyang bago pa man nasali sa  Pinoy Big Brother: Gen 11 at naging Big Winner.

Ani Mannix sa isang press conference nang ipakilala ang 23 alagang influencers noong July 9, Huwebes, sa isang restoran sa Quezon City, “Bumibisita si Fyang sa Mannix House, nagko-content. Nagustuhan po namin siya at nagustuhan niya rin ‘yung environment po roon. Naging probationary muna kami for three to six months. Ngayon, three years ko na siyang mina-manage.”

Aminado ang CEO rin ng Prestige International na si Maanix, na hindi niya inasahang sisikat at magiging maganda ang takbo ng career ng alagang si Fyang bagamat nakikitaan niya ito ng talento. 

“‘Hindi ko naman sobrang in-expect, pero nakitaan ko po siya ng potential na malayo ang mararating niya. 

“Talented po siya at marunong makisama,” paliwanag ni Mannix.

Nang deretsahang natanong sj Mannix ukol sa mga report na tila maldits o may hindi magandang ugali ang alaga, sinabi ni Mannix na hindi iyon totoo.

Siguro dahil hindi niya pa close ’yung maraming tao, akala tinatarayan sila. Pero kapag nakilala niyo siya, wala kang masasabi sa pakikisama niya,” giit ng manager.

Ipinagmalaki ni Mannix ang pagiging mabait at madaling katrabaho ni Fyang.

Napakabait, walang masamang tinapay. Walang insecurities. Gusto niya lang mag-enjoy,” wika pa ng manager na nagdiriwang ng kaarawan ngayong araw, July 11.

Nang tanungin kung nabago ba ng kasikatan si Fyang, sinabi ni Manny na hindi. “Para sa akin, hindi naman po. Mas naging seryoso na siya sa trabaho. Misunderstood lang.”

Sinabi rin rin Mannix na hindi siya nakikialam sa personal na buhay ng kanyang mga alaga. kabilang na ang napapabalitang romantikong ugnayan nito sa kapwa PBB Gen 11 housemate na si JM Ibarra, na hayagang nanliligaw sa kanya.

Hindi ako nakiki-akam. Iga-guide lang po siya pero siya pa rin ang magde-decide. Binibigyan lang po siya ng advice. Like kilalanin niya muna, alamin ’yung gagawin niya,” sabi pa.

Sumikat si Fyanfg matapos tanghaling Big Winner ng Pinoy Big Brother: Gen 11 noong 2024. Kasalukuyan siyang pinamamahalaan ng Mannix Management at Star Magic ng ABS-CBN. Kamakailan ay lumabas ang aktres sa Shake, Rattle & Roll Evil Origins. Pinangunahan din niya ang mga romantic comedy fantasy na seryeng pantelebisyon na Ghosting at Love Is Never Gone kasama si JM

Nagbida rin sina Fyang at JM sa Almost Us at makakasama ang dalaga nina James Reid, Julia BarrettoJohn Arcilla, at Maricel Soriano sa Haunted Carnival na entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2026, ng Regal Entertainment.

Samantala, bilang isa sa mga pinaka-maimpluwensyang  negosyante at talent manager sa bansa, ipinagdiriwang ni Mannix, CEO ng Mannix Management, ang isa na namang makabuluhang taon ng kanyang buhay ngayong Hulyo 11. Higit pa sa kanyang kaarawan, ito rin ay pagdiriwang ng kanyang patuloy na ambag sa industriya ng entertainment, digital, at negosyo sa Pilipinas.

Kilalang-kilala bilang CEO ng Prestige International, nakabuo si Mannix ng reputasyon bilang isang lider na may malinaw na bisyon at dedikasyon sa pagtuklas at paghubog ng talento. Isa siya sa mga kinikilalang talent manager at nakatuklas kay Fyang, na ang tagumpay ay patuloy na nagbibigay-inspirasyon sa mga nagnanais maging content creator at entertainer sa buong bansa.

Bukod sa pamamahala ng mga talento, kinikilala rin si Mannix bilang isa sa mga pinaka-maimpluwensiyang digital personalities sa Pilipinas. Mayroon siyang pinagsama-samang mahigit isang milyong tagasubaybay sa TikTok, Facebook, at YouTube. Ang kanyang mga plataporma ay nagsisilbing inspirasyon sa mga naghahangad na maging influencer, negosyante, at sa lahat ng may pangarap.

Sa industriya ng skincare, kilala siya bilang “Lord of Soap,” dahil sa kanyang malaking kontribusyon sa pagbuo ng matagumpay na skincare brands at pagbibigay ng oportunidad sa maraming tao na magkaroon ng sariling negosyo. Ang kanyang pagiging mahusay na negosyante, dedikasyon sa kalidad, at patuloy na innovation ang dahilan kung bakit siya ay lubos na iginagalang sa industriya.

Sa kabila ng kanyang maraming tagumpay, inilalarawan siya ng mga nakakikilala bilang hindi lamang isang matagumpay na CEO kundi isang taong may mabuting puso. Kilala siya bilang mabait, mapagbigay, mahabagin, at laging handang tumulong sa mga nangangailangan. Ang kanyang walang sawang suporta sa kanyang mga artist, empleado, business partners, pamilya, at mga kaibigan ay sumasalamin sa mga pagpapahalagang naging pundasyon ng kanyang tagumpay.

Sa pamamagitan ng Mannix Management, patuloy niyang ginagabayan at minementor ang susunod na henerasyon ng mga content creator at influencer, na nagpapatunay na ang tunay na liderato ay nasusukat hindi lamang sa tagumpay kundi sa dami ng mga buhay na nabibigyan ng pag-asa at inspirasyon.

Sa pagdiriwang ng kanyang kaarawan, ipinahahayag ng kanyang pamilya, mga kaibigan, business partners, mga artist, at mga tagasuporta ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa kanyang pamumuno, kabutihang-loob, at hindi matatawarang dedikasyon sa pagtulong sa iba para maabot ang kanilang mga pangarap.

Maligayang Kaarawan, CEO Mannix Carancho!