UST, Adamson maghaharap sa pagbubukas ng Shakey’s Jrs National Invitationals
MAGHAHARAP ang University of Santo Tomas (UST) at Adamson University sa tampok na pambungad na laro ng 2026 Shakey’s Juniors National Invitationals na lalahukan ng mga lokal at dayuhang koponan ngayong Sabado sa Playtime FilOil Centre sa San Juan.
Magsisimula ang unang laban sa alas-1 ng hapon.
Asam ng Junior Golden Tigresses ng UST na maipagpatuloy ang kanilang magandang kampanya matapos ang makasaysayang kampeonato sa Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (SGVIL) Rising Stars Cup Division 1 tatlong buwan na ang nakalipas.
Bagama’t umakyat na sa senior team ang ilan sa kanilang pangunahing manlalaro, kabilang ang dating SGVIL Most Valuable Player na si Kim Rubin, nananatiling matatag ang UST sa pangunguna nina setter Andreaj Tan Chun Bing, Nicole Pelaez, Eliz Menchavez at libero Chas Pepito.
Ayon kay UST assistant coach Yani Fernandez, malaking pagbabago ang kanilang lineup para sa torneo.
“Halos tatlong-kapat ng aming roster ay mga bagong manlalaro at karamihan ay papasok pa lamang sa Grade 11. Layunin naming makita kung paano sila tutugon sa kompetisyon at kung paano sila aangkop sa aming sistema,” ani Fernandez.
Maghaharap din ang Pusong Azul at Pacific Volleyball Academy ng Guam, habang magsasagupa ang St. John’s Institute at One La Salle, na binubuo ng mga manlalaro mula sa De La Salle Zobel, Green Hills at Dasmariñas.
Muling sasabak sa aksiyon ang Arellano University at Pacific Volleyball Academy sa huling laro ng araw.
Sa Lunes naman magde-debut ang California-based Perfect Set Dream Makers sa magkasunod na laban kontra One La Salle at UST.
Gagamitin ang single round-robin format sa elimination, kung saan ang apat na nangungunang koponan ang uusad sa knockout semifinals.
Isang laro lamang ang paglalabanan para sa kampeonato at ikatlong puwesto. Best-of-three ang mga laro sa eliminasyon, habang best-of-five naman ang semifinals at finals.
Sinabi ni Athletic Events and Sports Management Inc. president Dr. Ian Laurel na layunin ng torneo na masukat ang kakayahan ng mga lokal na koponan laban sa mga dayuhang kalaban at higit pang mapaunlad ang grassroots volleyball sa bansa.
Samantala, sisimulan sa Hulyo 19 ang Shakey’s Super League National Invitationals na lalahukan ng anim na koponan.
Makakasagupa ng Ho Chi Minh Volleyball Club ng Vietnam at Southern Storm Melbourne ng Australia ang mga lokal na koponan mula sa Enderun Colleges, UST, Colegio de San Juan de Letran at College of Saint Benilde.
Mapapanood nang live at on-demand ang lahat ng laban sa PusoP.com livestream at Solar Sports. (SSL/HNT)
