Aksyon Agad Almar Danguilan

Presiding Officer Chiz Escudero, nakakuha ng mataas na marka sa unang linggo ng impeachment trial

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

BAGO magsimula ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, marami ang nag-aabang kung paano ito pamamahalaan. Hindi rin nawalan ng mga nagduda sa kakayahan ni Senator Chiz Escudero bilang Presiding Officer. Ngunit matapos ang unang linggo ng paglilitis, tila unti-unti nang nababago ang pananaw ng marami.

Sa kabila ng procedural objections, legal questions, at mahahabang argumento ng prosecution at defense, naging maayos ang daloy ng impeachment proceedings. Hindi naging magulo ang pagdinig at tuloy-tuloy ang pagresolba sa mga isyung inihaharap ng magkabilang panig.

Ayon kay University of the Philippines College of Law associate dean, Atty. Paolo Tamase, mahalagang abogado ang nagsisilbing Presiding Officer sa isang impeachment trial. Hindi lang kasi ito usaping politikal, isa itong legal na proseso na nangangailangan ng agarang pagresolba sa procedural issues, rules of evidence, at constitutional questions.

Maging si constitutional law professor Tony La Viña, na dati rin nagpahayag ng pag-aalinlangan sa pagpili kay Escudero, ay nagsabing nagbago ang kanyang pananaw matapos mapanood ang aktuwal na proceedings. Sabi niya, naging mas mabilis ang takbo ng paglilitis dahil nakapaglalabas agad ng mga ruling ang Presiding Officer nang hindi na kailangan dumaan sa mahabang konsultasyon sa secretariat.

Para naman kay writer at cultural critic Kristine Stuart Santiago, hindi lang legal na kaalaman ang naging puhunan ni Escudero. Malaking bagay rin ang kanyang mahabang karanasan sa Senado, lalo na sa paghawak ng mga mainit na debate at mahihirap na sitwasyon sa plenaryo.

Kapansin-pansing positibo ang naging komento ng magkabilang kampo. Pinuri ni Lead House Prosecutor Gerville Luistro ang paghahanda at kasipagan ni Escudero, habang sinabi naman ni defense spokesperson Atty. Michael Poa na naging “swabe” ang takbo ng impeachment trial. Nagbigay rin ng “high grades” si dating Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna sa naging pamamalakad ng Presiding Officer.

Sa huli, hindi naman ang bawat ruling ang magiging sukatan ng pagiging patas ng isang Presiding Officer. Mas importante kung napakikinggan ang magkabilang panig, maayos ang takbo ng proseso, at naipatutupad ang batas nang walang kinikilingan. Sa unang linggo pa lang ng impeachment trial, maraming eksperto ang nagsasabing naipakita na ito ni Senator Chiz Escudero.