Kulang sa mga alas, Cool Smashers pinataob ang Chameleons sa Ilagan
ILAGAN, Isabela — Pinatunayan ng Creamline na hindi lang sa mga superstar umiikot ang lakas ng koponan.
Sa kabila ng pagkawala ng ilan nilang pangunahing manlalaro, matagumpay na sinimulan ng Cool Smashers ang kampanya sa 2026 Premier Volleyball League On Tour Showdown matapos talunin ang Nxled, 25-18, 25-23, 16-25, 25-19, nitong Miyerkules sa Capital Arena dito.
Hindi nakalaro para sa Creamline sina Tots Carlos, Alyssa Valdez, Bea De Leon at Jeanette Panaga, habang patuloy namang ginagampanan ni beteranang setter Jia De Guzman ang tungkulin nito sa Alas Pilipinas. Gayunman, umangat ang mga reserba ng Cool Smashers upang maitaguyod ang panalo laban sa Nxled na wala rin ang isa nitong pangunahing alas na si Brooke Van Sickle.
Nanguna si Michele Gumabao matapos magmula sa bench at kumamada ng game-high 18 puntos mula sa 16 attacks, isang block at isang ace. Nag-ambag naman si Lorie Bernardo ng 13 puntos mula sa 12 attacks at isang block.
Nagbigay rin ng siyam na puntos ang bagong recruit na si Ishie Lalongisip sa una nitong laro suot ang jersey ng Creamline, matapos pa nitong makaharap ang koponan sa PVL All-Filipino Conference Finals ngayong taon. Nagdagdag naman ng tig-walong puntos sina Jema Galanza at Rose Vargas.
Mahusay na inasikaso ni Kyle Negrito ang opensa ng Creamline sa kanyang 16 excellent sets, habang naging matatag si libero Denden Revilla sa depensa sa naitalang 16 excellent receptions. Nag-ambag din si Ella De Jesus ng siyam na excellent digs.
“Siyempre, masaya ako kasi nag-perform nang maganda ‘yung team namin. Kahit ‘yung mga seniors namin ‘di nakalaro, ‘yun naman ‘yung maka-experience sila ng ganitong laro. Magandang laro. So masaya,” ani Creamline head coach Sherwin Meneses.
Mistulang didiretso na sa sweep ang Cool Smashers matapos makuha ang unang dalawang set, ngunit bumawi ang Nxled sa ikatlong yugto upang pahabain ang laban.
Mabilis namang nakarekober ang Creamline sa ikaapat na set. Mula sa 17-15 abante, kumawala sila sa 3-0 ratsada sa pangunguna nina Gumabao at Vargas upang lumayo sa 20-15. Ilang ulit mang nagtangkang humabol ang Chameleons, agad itong sinagot ng Cool Smashers.
Hawak ang 22-18 kalamangan, nagtulungan sina Gumabao at Sheena Toring sa magkasunod na puntos upang dalhin ang Creamline sa match point. Naantala lamang ito nang makapuntos si EJ Cariño para sa Nxled, ngunit tuluyang tinapos ni Bernardo ang laban sa isang off-the-block attack upang selyuhan ang panalo sa loob ng isang oras at 46 minuto.
Muling babalik ang Creamline sa Isabela sa Agosto 8 upang harapin ang binagong Capital1 sa Santiago.
Sa panig ng Nxled, nanguna sa opensa si MJ Phillips, habang nagtala si Cariño ng double-double na 11 puntos at 14 excellent receptions. Nag-ambag din ng tig-11 puntos sina Myla Pablo at Jonah Sabete-Escamillan.
Nagbalik-aksyon naman ang beteranang setter na si Gel Cayuna para sa Chameleons at nagtala ng 22 excellent sets at tatlong puntos mula sa bench.
Sisikapin ng Nxled na makabangon sa Hulyo 25 sa pagtutuos nila ng Solar Spikers sa Vigan, Ilocos Sur. (PVL/HNT)
