Sipat Mat Vicencio

16 votes ‘pipilitin’ para pabagsakin si Sara

SIPAT
ni Mat Vicencio

PATONG-PATONG na kaso ang inaasahang isasampa kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at malamang na makulong kung tuluyang mananalo si Vice President Sara Duterte bilang pangulo sa nakatakdang 2028 elections.

At hindi naman papayagan ni Bongbong na maluklok sa kapangyarihan si Sara dahil ang 16 votes na kinakailangan sa conviction ay ‘pipilitin’ makuha para hindi makatakbo ang pangalawang pangulo sa halalan.

Kung tutuusin, nagpakita na ng impluwensiya at kapangyarihan si Bongbong nang magpatawag ito ng special session at mapatalsik si Senador Alan Cayetano bilang Senate president kapalit ni Senador Win Gatchalian.

At hindi pa ba sapat ang ‘resibo’ na ipinakita ni Bongbong nang lumipat sa bloke ni Win sina Senador Chiz Escudero at Joel Villanueva? Dahil sa paglipat nina Chiz at Joel, nakuha ni Win ang liderato ng mayorya sa kabuuang bilang na 13 senador, kompara sa 11 senador ni Alan.

Hindi pa rin ba sapat ang nangyari kay Senador Jinggoy Estrada na ngayon ay nakakulong sa kasong plunder at kamakailan lamang ay ipinag-utos ng Sandiganbayan na suspindihin ng 90 araw?

Si Senador Rodante Macoleta, hindi ba arestado na rin? At hanggang sa ngayon, si Senador Ronald “Bato” dela Rosa naman ay TNT o Tago Nang Tago pa rin. Nagpahayag din ang PNP na kanilang aarestohin si Bato sakaling lumutang ito sa impeachment trial ni Sara.

Kaya nga, lumalabas na hindi mahalaga kung may debate man sa 16 o 14 votes sa guilty verdict laban kay Sara dahil tiyak na pinaghandaan na ito ng Malacañang para tuluyang ‘pilayan’ ang pangalawang pangulo.

Hindi rin kagulat-gulat ang paglilinaw ni Chiz na 16 votes ang kailangan sa conviction ng isang impeachable official dahil seguradong makukuha ng mga pro-Bongbong senators ang numero para sa guilty verdict ni Sara.

Kaya nga sa mga susunod na araw, hindi na dapat mabulaga kung sa pagpapatuloy at pagtatapos ng impeachment trial ay bumoto sina Senador Loren Legarda at magkapatid na Mark at Camille Villar laban kay Sara.

Si Senator Bong Go, bumoto kaya pabor kay Sara o laban kay Sara?