Bea at Wilbert nagsosyo sa negosyo
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MULING patutunayan nina Wilbert Ross at Bea Binene ang lakas ng kanilang tambalan sa pamamagitan ng bagong pagbibidahang romantic comedy series ng Viva One, ang Love U Lots na pinamamahalaan ni direk Victor Valbuena at mapapanod simula July 24, 2026.
Maganda ang resulta ng unang tambalan ng WilBea na mula sa Wattpad series, ang Golden Scenery of Tomorrow kaya nagkaroon sila ng fandom.
Sa grand mediacon ng LUL nasaksihan namin kung gaano kalakas ang kanilang tambalan. Bagamat sa malayong lugar isinagawa ang mediacon, sa Robinson’s Manila, dumagsa talaga ang kanilang fans.
Hindi lang iyon, may iba’t ibang pakulo pa na nalaman naming tumulong ang fans ng WilBea para maisagawa iyon. Ito ay ang banda na umikot sa loob ng Atrium gayundin ang iba’t ibang booths na mayroong freebies na talagang na-enjoy namin tulad ng mga gulay, mga produktong mula sa kanilang negosyo, taho, ice cream at kung ano-ano pa.
Uso na talaga ngayon na ang fans mismo ang nag-oorganisa ng mga pakulo para sa kanilang idolo.
At dahil sa tagumpay ng tambalan ng WilBea, nakabuo ang mga ito ng negosyo.
Ani Wilbert at Bea, magsisimula silang magbenta online ng mga produkto nilang The Sunset AvePh.
Nagsimula ang pagsososyo nila sa negosyo noong ginagawa nila ang Golden Scenery of Tomorrow.
“Actually, sinabi ko sa kanya na matagal ko nang gustong magkaroon ng eyewear brand na negosyo. And then, one time sa taping namin ng GSOT nasabi ni Wilbert na may naisip na siyang name,” kuwento ni Bea.
“Mga shades, tumbler, caps, lifestyle brand siya. So, para sa future baka mag-venture out pa. May iba pang items, products.
“Pero ngayon, shades, caps, tumblers, belt bags muna. At saka sa online pa lang (ibinebenta),” pagbabahagi pa ni Bea.
Kung mahilig si Bea sa negosyo ganoon din si Wilbert.
“Mahilig din po ako (negosyo). Timing lang na may partner na mahilig din sa business kaya ayun,” ani Wilbert.
At hands-on silang dalawa sa sinimulang negosyo na hati sila sa puhunan.
Mayroon ding negosyo si Bea na pabango, ang Scent Wave at si Wilbert ay may bagong librong isinulat na malapit nang ilunsad.
Ang LUL ay umiikot sa kuwento ng buhay ni Issa (Bea), na may Dissociative Identity Disorder (DID) at ni Estong (Wilbert)—ang masugid niyang manliligaw na humaharap sa pabago-bago niyang personalidad.
Ang seryeng ito ay nagsisilbing pinakahihintay na pagbabalik ng WilBea matapos ang tagumpay ng GSOT.
Walong episode ang LUL na eksklusibong mapapanood sa Viva One simula July 24 at makakasama nila rito sina Xia Vigor, Vito Quizon, Katya Santos, DJ Durano, Janno Gibbs, Migo Valid, at Candy Pangilinan.
