Paolo Gumabao, Migs Almendras bibida sa bagong gay film na The Blue Hour
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
IBANG-IBA mula sa mga nagawang LGBTQ drama ang bagong pelikulang ididirehe ng award-winning director Adolf Alix Jr. at pagbibidahan nina Paolo Gumabao at Migs Almendras, ang The Blue Hour.
Sa isinagawang storycon ng The Blue Hour kamakailan ipinaliwanag ni direk Adolf na naiiba ito sa mga nauna niyang pelikulang gay-themed dahil nakatuon ito sa kung paano nakaiimpluwensya ang mga panlabas na puwersa sa malalim na personal na mga desisyon.
“Noong nakikita ko sa social media na, ‘di ba, ang daming pressures sa generation ngayon. Bukod sa kailangan mong maging mabuting tao, marami ring external force na kailangan mong pagdesisyonan,” anang direktor.
“Maraming factors na iko-consider ng isang tao bukod pa sa sarili niyang desisyon. Sabi ko, maganda siyang i-tackle at this point para makita rin ‘yung side niyong taong nagdedesisyon, lalo na sa industriya natin,” dagdag pa ni direk Adolf.
Ang pelikula ay ukol kina Rafa (Almendras), isang clean-cut actor, at Enzo (Gumabao), isang star basketball player, na gumugugol ng 24 na oras na magkasama sa isang beach house sa Pampanga para tapusin ang kanilang tatlong taong relasyon bago pumirma si Rafa ng isang kontrata sa pagpapalit ng karera.
Habang kinakaharap nila ang kinabukasan ng kanilang relasyon, nakikipagbuno sila sa pampublikong pagsisiyasat, mga inaasahan sa karera, at ang matagal na alaala ng isang magkakaibigan na nabigong makaligtas sa buhay na may itinatago.
Nang tanungin kung anong aspeto ng relasyon ng magkaparehong kasarian ang nais ipakita ng pelikula, sinabi ni direk Adolf na nais niyang ilarawan ang hirap na kinakaharap ng mga indibidwal na LGBTQ na ang mga relasyon ay nananatiling tago dahil hindi pa tanggap ng lipunan.
“Ang isang relasyon na sikreto at idini-deny ng society na hindi tama, ang daming puwedeng puntahan. Pero nasa dalawang tao na magde-decide kasi may repercussions,” ani direk Adolf.
