Coco Martin Julia Montes Sigabo

Sigabo ni Coco Martin sumailalim sa MTRCB compliance seminar

SUMAILALIM ang patok na primetime teleseryo na Sigabo ni Coco Martin sa compliance seminar sa pamumuno ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) matapos makatanggap ng mga reklamo ang ahensya tungkol sa umano’y paulit-ulit at labis na pagpapakita ng karahasan sa programa. 

Ginanap ang compliance seminar para sa CCM Film Productions sa tanggapan ng MTRCB sa Lungsod Quezon noong Lunes, Hulyo 6. Ang CCM Film Productions ay itinatag ni Martin. 

Ang seminar ay tugon sa maraming reklamo tungkol sa labis na paglalarawan ng karahasan sa teleserye na nagsimula ang pag-ere noong Hunyo 22. 

Sa kanyang paunang salita, ipinahayag ni MTRCB Chair Lala Sotto ang kagustuhan ng ahensya na tulungan ang industriya ng telebisyon na mamayagpag at lumikha ng de-kalibreng mga palabas na maaari ring mapanood ng mga nakababatang manonood, basta’t may gabay ng kanilang mga magulang.

I just want to make it clear that the reason why we are having this compliance seminar today is because we want to help you, we want to help drive the production. We want you to understand where we are coming from and we want a better understanding also of the production,” sabi ng MTRCB Chair.

Magiging very socially relevant, I’m sure, ‘yung mga scene at ‘yung mga magiging storyline. Which we understand and we fully support. But there are always limitations. Lahat ng bagay, may limitasyon,” dagdag ni Sotto.

Ang Sigabo na pinagbibidahan din ni Julia Montes ay co-produced ng Dreamscape Entertainment ng ABS-CBN at ng CCM Film Productions.

Ang compliance seminar ay isinagawa ni MTRCB Vice Chair Juan “Johnny” Revilla at Board Members Ricardo “Jojo” Salomon, Eloisa Matias and Robert “Bobby” Andrews sa ilalim ng “Responsableng Paggabay” na inisyatiba.

Ang compliance seminar para sa Sigabo ay isang maagap na tugon sa mahigit 10 na reklamong natanggap ng MTRCB tungkol sa teleserye na ipinalalabas sa free TV channels ALLTV, A2Z, at TV5.

Binanggit ng mga ulat ang umano’y labis na pagpapakita ng karahasan, suntukan, at pisikal na agresyon, malupit na eksena ng torture, at marahas na pananalita sa programang Sigabo.

Nauna nang binigyan ng MTRCB ng rating na Strong Parental Guidance or Istrktong Patnubay at Gabay (SPG) ang Sigabo.

Ang mga palabas na may SPG na klasipikasyon ay naglalalaman ng mga mas seryosong paksa o tema na maaaring hindi angkop na panoorin ng mga bata, maliban na lamang kung may mahigpit na patnubay ng isang magulang o nakatatanda. 

Sa paggawad ng ganitong rating, isinasaalang-alang ng MTRCB ang layunin, genre, time slot, at paglalarawan ng tema, karahasan, droga, lenggwahe, sekswal, at katatakutan. 

Ilan sa mga ulat na natanggap ng MTRCB ay nagmungkahi ng pagsusuri ng mga primetime na teleserye na naglalaman ng marahas na content. 

Ikinalugod ng CCM Film Productions ang compliance seminar bilang tugon sa mga isyu sa Sigabo.

Ayon kay direk Malu Sevilla ng CCM Film Productions, nakita at naintindihan nila ang layunin ng MTRCB at nailahad din naman nila ang direksiyon at intensyon ng teleserye.

Dagdag niya, mas responsable na sila sa pagsisiguro na sinusunod nila ang mga pamantayan ng MTRCB sa mga palabas na angkop sa mga mas batang manonood.

We are all here to help this industry. So kung itinataas mo ang level ng entertainment at medyo nag-fa-falter kami, we appreciate the help,” sabi ni Sevilla.