Vic Sotto af Vice Ganda sanib-puwersa sa The Greatest Showdown
ni Allan Sancon
MATAGAL nang hinihiling ng maraming moviegoers ang pagsasama ng dalawang pinakamalalaking pangalan sa comedy, at ngayon tuluyan na itong matutupad.
Sa kauna-unahang pagkakataon ay magsasama sa isang pelikula ang Comedy King Vic Sotto atUnkabogable Superstar Vice Ganda sa The Greatest Showdown na ididirehe ng award-winning director na si Jun Robles Lana.
Mula pa lamang sa pag-aanunsiyo ng proyekto ay agad na itong pinag-uusapan sa social media dahil sa pambihirang tambalan ng dalawang hari ng box office.
Hindi naitago ng mga tagahanga ang kanilang pananabik matapos mismong sina Vic at Vice ang magbahagi ng balita tungkol sa kanilang pinakabagong proyekto.
Marami ang naniniwalang ang pagsasanib-puwersa ng dalawang comedy icons ay tiyak magiging isa sa pinakamalalaking cinematic events ng 2026 at posibleng magtakda ng panibagong record sa takilya.
Ayon kay Vice Ganda, panahon na para pagsamahin nila ni Vic ang kanilang talento upang maihatid ang saya na matagal nang inaasam ng mga Filipino.
“Kailangan namin magsanib-puwersa para ibigay ang tawa, halakhak, at kaligayahan na kailangan ng mga Filipino. Hardcore, todo-comedy ang gagawin naming dalawa,” ani Vice.
Dagdag pa niya, excited siyang makatrabaho ang isa sa mga haligi ng comedy sa bansa at umaasa siyang magiging espesyal ang pelikulang ito para sa lahat ng manonood.
Hindi rin nagpahuli si Vic sa kanyang mensahe. Ayon sa beteranong komedyante, higit pa sa tawanan ang maibibigay ng kanilang pelikula. “Ang pelikulang ito ay magbibigay ligaya sa taong bayan.
“Magpapasaya tayo at magpapatawa tayo. Sinisiguro rin namin na marami kayong mapupulot na aral,” pahayag ni Bossing, na naniniwalang ang isang magandang comedy film ay dapat may puso at inspirasyong maiiwan sa mga manonood.
Dahil sa kanilang magkaibang estilo ng pagpapatawa ngunit parehong napatunayang box-office magnets, marami ang nagtatanong kung anong klaseng comedy showdown ang kanilang ihahain sa malaking screen?
Sa ngayon pa lamang ay umaapaw na ang excitement ng publiko at marami ang nagsasabing ito na ang pinakahihintay na tambalan sa kasaysayan ng Philippine comedy.
Ang The Greatest Showdown ay bunga ng makasaysayang kolaborasyon ng ABS-CBN Studios, Star Cinema, The IdeaFirst Company, M-Zet Productions, at APT Entertainment.
Ang pagsasama-sama ng ilan sa pinakamalalaking production companies sa bansa ay lalo pang nagpapataas ng inaasahan ng publiko sa kalidad at lawak ng pelikula.
Sa lakas ng hatak nina Vice Ganda at Vic sa takilya, marami na ang humuhula na posibleng maging isa ito sa pinakamalalaking blockbuster ng 2026. Kung pagbabasehan ang kanilang matagumpay na career at ang pangakong ihahatid nila ang “hardcore, todo-comedy” na palabas, mukhang nakatakda nang mapasaya at mapatawa ang milyon-milyong Filipino sa kanilang makasaysayang unang pagsasama sa The Greatest Showdown.
