Love U Lots bagong Viva One series nina Bea at Wilbert
MATABIL
ni John Fontanilla
ANG pinakahihintay na comeback ng tandem nina Wilbert Ross at Bea Binene ay muling magpapakilala at magpapasaya sa Love U Lots, ang pinakabagong romantic comedy series ng Viva One na mapapanood na simula July 24. Binubuo ng walong episodes, abangan ang isang natatanging kwento na nagpapatunay na ang pag-ibig ay hindi palaging iisa ang anyo.
Matapos ang tagumpay ng Golden Scenery of Tomorrow, na bahagi ng patok na University Series adaptations ng Viva One, muling makakasama ng WilBea si Victor Villanueva, ang direktor ng hit series na lalong nagpatibay kina Bea at Wilbert bilang dalawa sa brightest stars ngayon.
Sa Love U Lots, si Ysa (Bea) ay isang mahusay na painter na may Dissociative Identity Disorder (DID). Kumukuha siya ng lakas at inspirasyon sa pagpipinta habang sinusubukan niyang unawain ang sarili, dala ang pag-asang darating ang panahon na kaya niyang mamuhay ng payapa kasama ang bawat bahagi ng kanyang pagkatao.
Si Estong (Wilbert) naman ay isang mabait na binatang gumuho ang mundo matapos dumaan sa isang masakit na hiwalayan at mabiktima ng isang scam na tumangay ng kanyang ipon. Sa panahong hindi niya alam kung paanong magsisimula muli, makikilala niya si Ysa—isang hindi inaasahang pagtatagpo na babago sa kanyang buhay.
Magku-krus ang kanilang landas nang mawala ang isang mahalagang painting ni Ysa. Sa hangaring makatulong, magiging bahagi si Estong ng mundo ni Ysa at unti-unting matututunan ang tungkol sa kanyang kondisyon. Ang simpleng paghahanap sa nawawalang painting ay mauuwi sa isang malalim na samahan na nabuo sa tiwala at pag-unawa.
Habang mas napapalapit si Estong kay Ysa, makikilala rin niya ang iba’t ibang personalidad nito. Sa halip na lumayo, buong puso niyang yayakapin ang bawat katauhan ng dalaga. At sa pagtibay ng kanilang samahan, unti-unting mahuhulog si Estong sa lahat ng bahagi ng pagkatao ni Ysa.
Ngunit hindi magiging madali ang lahat. Masusubok si Estong ng isang karibal sa puso ni Ysa, kasabay ng muli niyang paghahanap ng direksyon sa buhay. Muli ring haharapin ni Ysa ang pagbabalik ng isang tao mula sa kanyang nakaraan, kasama ang mga hamong kaakibat nito. Sa gitna ng lahat ng pagsubok, kailangang patunayan nina Estong at Ysa kung sapat ba ang pag-ibig upang tanggapin ang buong pagkatao ng taong minamahal.
Unang ipinalabas ang teaser ng Love U Lots sa The Next Fan Takeover: The Repeat fan event sa New Frontier Theater noong Hunyo na agad nagdulot ng excitement sa fans na gusto nang muling mapanood sina Wilbert at Bea sa screen. Ipinasulyap nito ang pabago-bagong emosyon ng karakter ni Ysa na labis na ikinagulat ni Estong.
Magdaragdag ng saya sa serye ang dalawa sa inaabangang young stars ngayon. Gagampanan ng blockbuster child star na si Xia Vigor ang papel ni Adel, ang palaban at protective guardian ni Ysa. Bibida naman ang rising talent na si Vito Quizon, na mula sa isang kilalang pamilya sa showbiz, bilang si Jayden, ang makulit na nakababatang kapatid ni Estong. Abangan ang tila aso’t pusa na asaran nina Adel at Jayden na unti-unting mauuwi sa isang matamis na samahan.
Magbibigay din ng mas maraming kulay sa kwento nina Ysa at Estong sina Katya Santos bilang Ninang Barbs at DJ Durano bilang Ninong Kent, ang mga tumayong magulang ni Ysa na buong pusong nag-aalaga at sumusuporta sa kanya. Maghahatid naman ng katatawanan si Janno Gibbs bilang si Popsy Bert, ang ama ni Estong na palaging positibo sa buhay, habang si Migo Valid ang gaganap na Lorenz, ang charming na karibal ni Estong sa puso ni Ysa. May special participation din si Candy Pangilinanbilang Dra. Wanda Tan, ang psychiatrist ni Ysa na magiging mahalagang gabay ng dalaga sa kanyang healing journey.
Huwag palampasin ang Love U Lots at ma-in love sa isang kwentong puno ng pag-ibig, saya, at kakaibang sorpresa. Streaming na simula July 24 sa Viva One, na susundan ng bagong episode tuwing Biyernes.
Bukod sa Love U Lots, mas marami pang dapat abangan ang WilBea fans dahil mapapanood din ang tandem sa big screen sa upcoming adaptation ng Thai blockbuster horror-comedy film na Pee Mak.
I-stream ang Love U Lots sa www.vivaone.ph o i-download ang app at mag-subscribe sa App Store, Google Play, o Huawei App Gallery.
Para sa the best of Filipino entertainment, bisitahin ang vivaone.ph.
