MULING nabibigyang-buhay ang baseball sa Pilipinas habang pinagsasama ng Philippine Sports Commission (PSC), Baseball Federation of Asia (BFA), at Philippine Amateur Baseball Association (PABA) ang kanilang puwersa upang maibalik ang dating sigla ng makasaysayang tahanan ng sport at maglatag ng mas matatag na kinabukasan para sa laro.
Ang mahalagang pagpupulong ng BFA Executive Committee na pinangunahan ni Pangulong Jeffrey Koo Jr. kamakailan sa Maynila ay naging simbolo ng pagbabalik ng federasyon sa Pilipinas makalipas ang 72 taon mula nang ito ay itinatag noong 1954 sa Maynila.
Pinangunahan ng PABA ang pagtitipon na dinaluhan ng mga lider ng baseball mula sa iba’t ibang bansa sa Asya, na nagpapakita ng panibagong sigla at matibay na hangarin ng bansa na palakasin ang ugnayan sa rehiyon.
“Ang Pilipinas ay tahanan ng baseball. Sa mahusay na pamumuno ng bagong PABA at sa makabagong suporta ng PSC, mas mapapabilis ang mga proyekto. Mabilis kumilos ang bagong PABA,” ayon kay PSC Chairman Patrick Gregorio, habang binibigyang-diin ang diwa ng pagkakaisa at pagtutulungan.
Nakatakdang maibalik sa pagiging world-class venue ang makasaysayang Rizal Memorial Baseball Stadium (RMBS) pagsapit ng Oktubre 2026, bago idaos sa Pilipinas ang East Asia Baseball Cup sa Nobyembre.
Nagsagawa ng technical site inspection sa RMBS ang mga opisyal ng BFA na pinangunahan nina CEO Richard Lin at Secretary-General Hua-Wei Lin kasama sina PSC Commissioner Walter Torres, PSC Engineer Ed Clariza, PABA Vice President Manny De Castro, at PABA Secretary General Michael Asuncion.
Ibinahagi rin ang internasyonal na kaalaman sa konstruksyon ng field, disenyo ng dugout, spectator stands, at scoreboards habang pinananatili ang makasaysayang katangian ng stadium.
“Kailangan nating mabigyan ang ating mga manlalaro ng mas maraming laro at mas maraming field. Plano naming magtayo ng apat na grassroots fields ngayong taon, apat pa sa 2027, at apat muli sa 2028 sa Luzon, Visayas, at Mindanao,” ayon kay Asuncion habang inilalatag ang grassroots infrastructure campaign.
Sinabi rin ni Asuncion na mainit na tinanggap ng PABA ang BFA Family bilang pasasalamat sa pagbibigay ng oportunidad sa Pilipinas.
Ayon pa kay Asuncion, patuloy ding lumalakas ang women’s baseball matapos makuha ng Pilipinas ang wild card slot para sa Women’s Baseball World Cup ngayong Agosto at maisama ang women’s baseball sa Batang Pinoy.
Ang pagdalo ni Ms. Hiroko Yamada sa BFA meeting ay patunay rin ng lumalawak na inclusivity sa sport.
“Mula sa aming benchmarking kasama ang PSC, natukoy namin ang pinaka-praktikal na infrastructure para sa Pilipinas. Mahaba pa ang lalakbayin ng baseball sa bansa ngunit malinaw na umuusad ito,” dagdag ni Asuncion.
Nagpahayag din ng kahandaan ang BFA na magbigay ng training camps at technical support, habang nangako naman ang CTBC ng USD 25,000 halaga ng kagamitan, na tinapatan ng PSC ng karagdagang USD 25,000 na pagbili—na umaabot sa kabuuang USD 50,000 para sa mga programa ng PABA.
Ang mga natatanging atletang Pilipino na matutuklasan sa 2025 Asian Championships at SEA Games ay irerekomenda rin ng PABA para sa posibleng professional tracks, hudyat ng bagong panahon ng oportunidad para sa lokal na talento.
Dumalo rin sina BFA Vice Presidents Chen Xu at Masatake Yamanaka kasama si PABA president Rodolfo “Boy” Tingzon Jr., kung saan malinaw ang kanilang iisang layunin na hindi lamang buhayin muli ang baseball sa Pilipinas kundi muling hubugin ito para sa bagong henerasyon ng mga atleta at tagahanga.
Kasama rin sa dumalo sina Chris Day ng BFA International Department, Technical Director Calvin Yeh, Administrative Director Yoyo Dai, at BFA executive Eason Wang. Naroon din sa banquet si PSC Commissioner Fritz Gaston.
Ang mga pagpupulong noong Mayo 24–25, kabilang ang welcome banquet sa Solaire, ay nagpakita ng matibay na kooperasyon ng BFA, PSC, at PABA. Tinapos din ang mahahalagang detalye at construction timelines upang matiyak ang rehabilitasyon ng RMBS bago mag-Oktubre, bilang paghahanda ng Pilipinas sa pagho-host ng mga internasyonal na kompetisyon. (PSC/HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com