Nauwi sa hostage-taking ang sinasabing pilit na pakikipagbalikan ng isang lalaki sa dating asawa sa dati nilang bahay sa Orion, Bataan kamakalawa ng tanghali.
Ayon sa ulat, napag-alaman na kitchen knife ang unang ginamit ng 31-anyos suspek ngunit nang mapakiusapang bitawan ang patalim, gunting naman ang itinutok sa babae nang tumangging makipagbalikan.
Mismong si Bataan Police Provincial Director Col. Marites Salvadora ang nakipagnegosasyon upang mapakalma ang lalaki at mabitawan ang hawak na gunting.
Mahigit isang oras umabot ang pag-uusap at negosasyon, nailigtas ng mga awtoridad ang babae at tuluyang naaresto ang suspek.
Nabatid sa imbestigasyon na walong buwan nang hiwalay ang dalawa bago ang insidente dahil gusto ng suspek na magkabalikan sila ng asawa pero tumanggi ang babae hanggang humantong sa pangho-hostage.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Article 267 ng Revised Penal Code (RPC) at Republic Act No. 9262 o ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com