MAGDARAOS ng kauna-unahang overseas games ang B.LEAGUE sa Pilipinas sa pamamagitan ng “B.LEAGUE Manila Games 2026” na gaganapin sa Setyembre 9 at 10, 2026 sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magtatapat sa naturang exhibition games ang LEVANGA HOKKAIDO at GUNMA CRANE THUNDERS, kung saan nakatakdang magsimula ang laban alas-7:00 ng gabi sa parehong araw.
Ayon sa Japan Professional Basketball League o B.LEAGUE, bahagi ito ng pagdiriwang ng ika-10 anibersaryo ng liga at ika-70 taon ng diplomatikong relasyon ng Japan at Pilipinas.
Sa ilalim ng temang “TWO NATIONS, ONE BEAT,” layunin ng torneo na higit pang pagtibayin ang samahan ng dalawang bansa sa pamamagitan ng basketball.
Sa mensahe ni B.LEAGUE Chairman Shinji Shimada na malaking karangalan para sa kanila na idaos ang unang overseas games sa Pilipinas, isang bansang kilala sa matinding pagmamahal sa basketball.
Binigyang-diin din nito na maraming Filipino players ang naging bahagi ng B.LEAGUE bilang Asia Special Quota players, dahilan upang lalong tumibay ang ugnayan ng Japanese at Filipino basketball communities.
Gaganapin ang event sa SM Mall of Asia Arena, na naging venue rin ng Final ng FIBA Basketball World Cup 2023.
Kabilang sa mga katuwang ng B.LEAGUE sa event ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), Philippine Basketball Association (PBA), at Embassy of Japan in the Philippines. Official partners ang mga sumusunod, Toyota Motor Philippines Corporation, JCB International Co., Ltd., Nissei Co., Ltd., Yanmar Holdings Co., Ltd., Meiji Co., Ltd. SONAK Corporation, PGA Sompo Insurance Corporation.
Ilalabas sa Hunyo 2026 ang detalye para sa bentahan ng tickets. (HNT)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com