IGINIIT ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi ‘set-up’ ang pag-aresto sa vlogger at Peanut Gallery Media Network (PGMN) founder na si Franco Mabanta.
Inihayag ni NBI Director Melvin Matibag, hiniling nila sa korte ang pagpapalabas ng cyber warrant upang legal na maiproseso ang pag-eksamin sa mga gadget at devices ni Mabanta.
Ani Matibag, mas mabuting mabuksan ang mga nasabing gadgets na maaring magpatunay na mayroong ‘reasonable certainty of conviction’ ang kasong kakaharapin ni Mabanta at apat pang mga kasabwat nito.
Sa pamamagitan nito, malalaman ang mga aktibidad at kung may iba pang tinakot o kinikilan ang grupo ni Mabanta bukod kay Romualdez.
Nitiong Miyerkoles ng gabi, 6 Mayo, isinailalim sa inquest proceedings sa Prosecutor’s Office sa Pasig si Mabanta at apat pang kasamahan sa reklamong robbery extortion o pangingikil kay Romualdez ng P300 milyon.
Kabilang sa sinabing pinagbatayan ang ilang mga video sa operasyon, pakikipag-usap ni Mabanta na nagbibigay ng instruction kung sino at ano ang deskripsyon ng tatanggap ng male-maletang pera; ang papalit-palit ng lugar kung saan dadalhin ang pera, at iba pa.
Bukod sa hawak na video ng NBI, ang ilang mamamahayag na kasama sa isinagawang operasyon laban kay Mabanta ay nakakuha ng video at larawan sa mga lugar at mismong unit o function room sa Valle Verde Country Club kung saan inabutan si Mabanta na naghihintay at napansin ang tatlong maleta na walang laman, na pinaniniwalaang pagsasalinan ng P75 milyong idedeliber.
Sa reklamo, nabatid noong nakaraang taon ay P350-M ang hinihingi ng grupo ni Mabanta, na naibaba sa P300-M sa huling pakikipag-usap kamakailan, na may deadline hanggang 5 Mayo 2026 — ang petsa na ilalabas ang ilang bahagi ng video na nagsasangkot umano sa flood control scandal kay Romualdez.
Tinutugis na rin ang PGMN anchor na si CJ Hirro na itinuturing na person of interest sa extortion. Kabilang si Hirro sa complaint-affidavit na inihain ng kinatawan ni Romualdez na si Noa Nocon.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com