HUMANDUSAY sa tabi ng motorsiklo ang 39-anyos ama matapos pagbabarilin sa harap ng kaniyang misis at anak sa Quezon City, nitong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang biktima na si alyas Faisal, 39, tubong Datu Udin Sinsuat Maguindanao Del Norte, residente sa Herrera St., Brgy. Marulas, Valenzuela City.
Sa ulat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), dakong 9:30 ng gabi nitong Miyerkoles, 6 Mayo, nang mangyari ang pamamaril sa eskinita ng Cadena De Amor St., Brgy. Central, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSg. Ajay G. Paras, sinsundan umano ng misis na si alyas Rizaly at ng kaniyang anak ang biktima habang patungo sa kanilang motorsiklo nang biglang pagbabarilin ng hindi kilalang suspek si Faisal.
Sa takot, napatakbo si Rizaly kasama ang anak sa kanilang kamag-anak para sa kaligtasan.
Makalipas ang ilang minuto ay nakita na lamang niyang duguan nang nakahandusay ang biktima sa tabi ng kanyang motorsiklo.
Agad humingi ng tulong ang misis, at isinugod nila ang biktima sa East Avenue Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival sanhi ng tama ng apat na bala sa dibdib.
Dumating sa pinangyarihan ng krimen ang SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit, sa pangunguna ni P/CMS Federico B. Manzano, at nakuha ang tatlong basyo ng ‘di pa batid na kalibre ng baril, dalawang deformed fired bullets, at ang motorsiklo ng biktima.
Patuloy ang imbestigasyon sa motibo ng pamamaril para sa posibleng pagkakakilanlan ng salarin. (ALMAR DANGUILAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com