PINUSUAN ng fans ang bagong proyekto nina JM Ibarra at Fyang Smith, ang romance-suspense series sa ABS CBN.
Hindi lang basta loveteam ang hatid ng dalawa—may dagdag kilig pa nang pabirong dugtungan ang title ng serye.
Nang tanungin kung ano ang Love is Never Gone, sa kanila, mabilis na sagot ni JM: “because of you,”habang si Fyang naman ay bumanat ng “because of us.” Kaya lalong nagtilian ang fans!
Hindi rin matatawaran ang lakas ng suporta ng kanilang followers na dumagsa sa Gateway Mall 2 para makita sila ng personal.
Halos nag-uumapaw sa sigawan at kilig ang venue habang pinapalibutan ang tambalan, patunay na pasabog din ang magiging karakter nina JM at Fyang sa serye.
Aminado ang dalawa na proud at sobrang grateful sila sa oportunidad na mapabilang sa proyekto ng ABS-CBN.
Ayon sa dalawa, malaking karangalan ang makatrabaho ang mga batikan at respetadong artista sa industriya, na tiyak magbibigay ng dagdag inspirasyon sa kanilang pagganap.
Mas lalo pang inaabangan ang serye dahil sa unang tambalan nina Joshua Garcia at Ivana Alawi, na susubok sa mapangahas na pag-ibig sa romance-suspense na Love is Never Gone.
Ito rin ang kauna-unahang Filipino series na kinunan sa Morocco, kaya naman mataas ang expectations ng viewers.
Bukod sa apat na bida, makakasama rin sa powerhouse cast sina Dina Bonnevie, Michael de Mesa, Ara Mina, Epy Quizon, JC Alcantara, Rans Rifol, Kiko Matos, Argel Saycon, Heart Ramos, Alex Medina, Benj Manalo, Carlo San Juan, at may espesyal na partisipasyon si Irma Adlawan—kaya tiyak punompuno ng drama at aksiyon ang bawat eksena.
Idinirehe nina Manny Palo at Jojo Saguin, at sa ilalim ng Dreamscape Entertainment, inaasahang magiging sunod na hit ang serye—lalo’t sila rin ang nasa likod ng mga matagumpay na palabas tulad ng Linlang at Dirty Linen.
Kaya markahan na ang May 8 at tutok na sa Love is Never Gone sa Prime Video—dahil siguradong aapaw ang kilig, sakit, at pag-ibig na hindi basta mawawala. (Allan Sancon)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com