Dead on the spot ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan sa Sitio Quarry, Barangay Minuyan Proper, Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan kahapon ng umaga.
Sa panimulang imbestigasyon ng mga tauhan ng San Jose del Monte City Police Station (CPS), papasakay na sana ng tricycle ang biktima, na isang taho vendor nang paulanan ng bala ng mga suspek.
Nagawa pang makababa ng tricycle at makatakbo ng bahagya ang biktima bago tuluyang sumubsob sa bangketa at bawian ng buhay.
Ang insidente ay nasaksihan mismo ng anim na taong gulang na anak ng biktima na nagsabing kagagaling lang nila sa kanilang bahay sa Brgy. Citrus, San Jose del Monte City bago binaril ang kanyang ama.
Ayon sa mga residente, ilang taon nang nagtitinda ng taho sa kanilang lugar ang biktima at wala silang alam na kaaway o nakagalit ito.
Sa kasalukuyan ay patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga tauhan ng SJDM CPS upang madetermina ang motibo sa krimen at matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com