SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez
MASAYANG-MASAYA sina Ai-Ai de las Alas, JM de Guzman, at Shaina Magdayao dahil for the first time magkakatrabaho sila at ito ay sa upcoming TV5 series na My Bespren Emman.
Blessing ngang maituturing ni Ai Ai na ipinahiram siya ng GMA 7 sa TV5 kaya naman ganoon na lamang ang kanyang tuwa. Dagdag pa na muli niyang makakasama si Shaina at first time namang makakatrabaho si JM.
“Ako, it’s a blessing na pinayagan ako ng GMA to work sa TV5. Thank you nga kasi sabi nga, ‘every work is a blessing.’ And thank you, TV5, for accepting us, accepting me na makatabaho ko kayo,” ani Ai Ai sa back-to-back mediacon ng My Bespren Emman at A Secret in Prague noong Miyerkoles sa Cities Events Place.
Bagamat nasa TV5, sinabi naman ni Shaina, na mananatili siyang kapamilya saan man mapunta. Kumbaga, hindi na maiaalis na sa
Kapamilya siya nag-umpisa at utang na loob niya rito kung nasaan man siya ngayon.
“Nagpapasalamat din po ako na ipinahiram ako, kami ni JM, ng aming mother network (ABS-CBN).
“But I think, dumating na rin po sa point ng buhay ko bilang isang tao at saka bilang artista na kahit saan siguro ako magtrabaho, kahit saan ako dalhin ng career ko, hindi na mawawala sa DNA ko ang pagiging Kapamilya,” anang aktres.
“Hindi lang si Shaina na artista kundi si Shaina bilang tao kasi siyempre, sila ‘yung station na nag-raise sa akin. Ako ay kung sino ako dahil din sa ABS-CBN.
“So, I’m grateful dahil naipahiram ako because like what I said, this is an answered prayer.
“Hindi basta-basta itong materyal na ito. Gusto ko talagang gawin ito and may mga ‘Emman’ din na kumausap sa akin to make this happen,” dagdag pa ng nakababatang kapatid ni Vina Morales.
Malaking oportunidad naman para sa kanila, ani JM ang makagawa ng magandang project sa ibang network.
“Ang ganda ng istorya, ang ganda ng oportunidad na maging parte ka, maging storyteller, na maibahagi mo ang ganitong istorya and makatrabaho mo ‘yung mga passionate na tao from the crew, the staff, to the directors, to the creatives.
“Nakatutuwa lang po na magtrabaho ng ganoon,” sabi ng mahusay na aktor na thankful din dahil pinayagayan siyang magtrabaho sa ibang network.
Kasamang humarap ng tatlosi Sid Lucero na hindi problema ang pagtatrabaho sa TV5 dahil freelancer ito.
Ang My Bespren Emman ay isang inspirational drama na kwento ni Mateo (JM) na nagnanais maitama ang pagkakamali ng kanyang nakaraan para maisaayos ang buhay kapiling ang kanyang childhood best friend na si Ruth (Shaina). Sa pamamagitan ng isang aksidente, makikilala ni Mikoy ang aagapay at gagabay sa kanya patungo sa pagbabagong-buhay – si Emman.
Co-produced ito ng Numinous Narratives at Spring Films, sa direksiyon nina Derick Cabrido at Jerome Pobocan. Mapapanood ito Lunes hanggang Biyernes pagkatapos ng A Secret in Praguengayong Lunes, April 27, 2026.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com