ni Allan Sancon
USAP-USAPAN ang pelikulang Neophyte ’26 hindi dahil sa kilig o drama, kundi sa matapang nitong pagtalakay sa madilim na realidad ng hazing at peer pressure.
Bida sina Derrick Monasterio, Elle Villanueva, Jon Lucas, Angelica Jones, Angelo Alday at marami pang iba.
Simula pa lang, ramdam mo na agad na hindi ito pangkaraniwang pelikula.
Mapapa-“grabe!” ka sa bigat ng tema, pero kasabay nito ang excitement na malaman kung saan hahantong ang kwento.
Aminado si Derrick na isa ito sa pinaka-challenging role niya. “Hindi ito basta acting lang—dinala ko talaga ‘yung emosyon ng karakter ko. Gusto kong maramdaman ng tao ‘yung pinagdaraanan niya.”
At hindi nga siya nabigo. Bilang si Ned, isang kabataang desperadong maabot ang pangarap, todo-bigay si Derrick sa bawat eksena, mula sa tahimik na pagdurusa hanggang sa mga sandaling punompuno ng takot at tensyon. Ito na nga ba ang breakout performance niya?
Hindi rin nagpahuli si Elle na nagbibigay-buhay sa karakter ni Yani, ang babaeng nagbibigay-liwanag sa madilim na mundo ni Ned.
Ayon kay Elle, “Importante sa akin na maging totoo ‘yung emosyon. Hindi lang ito love story, may lalim at may pinagdaraanan talaga ang karakter.”
Kitang-kita ang natural nilang chemistry ni Derrick, may kilig, pero may kasamang sakit na lalong nagpapainit sa istorya.
Samantala, si Jon naman ay game na game sa pagiging misteryoso at dominante sa kanyang papel. “Exciting ‘yung role ko kasi hindi siya ‘yung typical na mabait o kontrabida, nasa gitna siya. Maraming layers.”
At totoo nga, ang karakter niya ang isa sa mga magpapakaba sa manonood dahil sa unpredictable nitong galaw. Isa siya sa dahilan kung bakit hindi ka bibitaw sa panonood.
Pero teka, hindi rito nagtatapos ang emosyon. Si Angelica, bongga ang atake bilang isang inang handang ipaglaban ang anak. “Ito na siguro ‘yung pinaka-mabigat na role na nagawa ko. Talagang inilabas ko lahat ng emosyon ko.”
At ramdam ito sa bawat eksena, iyakan kung iyakan.
Siguradong mapapahagulgol ang mga nanonood, lalo na sa mga eksenang puno ng sakit at pagmamahal.
Dagdag pa rito ang fresh at promising na performance ni Angelo na unti-unting umaagaw ng atensiyon.
Hindi man siya ang sentro ng kwento, pero bawat eksena niya ay may impact. Isa siya sa mga patunay na malakas ang bagong henerasyon ng mga artista sa pelikulang ito.
Sa kabuuan, ang Neophyte ’26 ay hindi lang basta pelikula, isa itong pasabog na kwento ng kabataan, pangarap, at katotohanang hindi dapat ipagsawalang-bahala.
May kilig, may drama, may intriga, at higit sa lahat, may aral.
Kung gusto mo ng pelikulang magpapaiyak, magpapakaba, at magpapaisip sa ’yo, huwag mo itong palampasin. Trending na, pinag-uusapan—kaya ikaw, handa ka na bang ma-shock sa katotohanan?
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com