ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
THANKFUL si Ashley Lopez sa nangyayari ngayon sa kanyang showbiz career. Bukod sa magaganda ang napupunta sa kanyang projects, mas maayos daw ang buhay nila ngayon, financially.
Wika ni Ashley, “Yes po, mas magaan na po ang buhay ko and mas mabilis na magkaroon ng pera. Sobrang happy ko po sa takbo ng showbiz career ko, dahil bukod sa nagbago buhay ko ay unti-unti na pong natutupad ang pangarap namin ng mother ko.”
Ang new project na mapapanood kay Ashley ay sa pelikulang “Tayuan 2”. Ang role niya raw rito ay konduktor na medyo boyish, kaya naging peg niya si Maricel Soriano.
Kuwento ni Ashley, “Ang character ko po rito ay si Rhea, partner ko po rito si Marco Mora. Pinanood ko po ang movie ni Maricel Soriano na Batang Quiapo, kumbaga parang naging peg ko po iyon. Kasama ko rin sa movie sina Chester Grecia at Dara Lima. Ito ay directed by Topel Lee po.”
Pagdating naman sa bashers, sinabi ni Ashley na sanay na siya sa kanila.
Esplika niya, “Actually, nagwo-work pa lang po ako ay mayroon na, kaya sanay na rin po ako sa mga bashers. Mas dumami lang po sila noong nagka-pangalan na ako sa showbiz
“Then may isang pagkakataon na grabe ‘yung nangyaring pangba-bash sa akin, to the point na lagi po akong umiiyak. Pero ang ginagawa ko lang po, nagpe-pray ako lagi kay God. After po niyon, ‘yun na ‘yung time na unti-unti na akong nagme-mainstream… Kaya sobrang thankful din ako sa mga bashers, kasi kung hindi dahil sa kanila wala ko ngayon dito, dahil mas nagsikap po ako para patunayan sa mga bashers na mali po sila.”
Nagpapasalamat din si Ashley na nabibigyan siya ngayon ng chance na makatawid sa mainstream TV. Recently ay nag-guest siya sa dalawang mainstream TV show.
Kuwento niya, “Very thankful po ako, at wish ko po na unti-unting makapasok na ako sa mainstream TV po. Nakapag-guest po ako kamakailan sa Pepito Manaloto at sa Tiktoclock, and sana po ay mas marami pang ganoon na opportunity.”
Dagdag pa ni Ashley, “Opo naman, kahit nasa VMX po kami, puwede rin kaming sumabak sa mainstream TV at movies, hindi lang po kami pang-VMX.
“Kasi kami po, sexy artist po kami, pero kaya rin po naming mag-drama, mag-comedy at mag-action, all around po talaga kami. Pagdating po sa acting-an ay wala po kaming inuurungan talaga, kasi ay sobrang tapang po namin,” nakangiting sambit pa niya.
Once pa lang ba siya nag-guest sa Pepito Manaloto?
Tugon ni Ashley, “Twice na po, ipalalabas pa lang this April ‘yung pangalawa. Then, may shoot po ako ulit sa kanila sa May.”
Actually, nalaman namin na semi-regular na raw si Ashley sa Pepito Manaloto, kaya kinuha namin ang reaction niya rito.
Masayang pahayag niya, “Sobrang natuwa po ako, kasi hindi ko expected na after a year ay mabigyan ako ng chance po sa mainstream agad, though iyon po talaga ang goal ko noong nag-start po akong mag-VMX.”
Ano ang masasabi niya kay Bitoy o Michael V. at ano’ng feeling nang makaeksena niya ang batikang komedyante?
Sagot ng magandang aktres na alaga ni Jojo Veloso, “Masaya po, ‘tsaka sobrang funny niya kaeksena. Tutulungan ka rin po niya na mas mapaganda pa ang character mo.”
So, wala kay Bitoy kahit baguhan o sikat ang katrabaho niya? Pantay-pantay siyang makisama sa lahat?
Tugon ni Ashley, “Yes po, pantay siya makisama sa lahat and talaga pong very generous siya.”
Kinabahan ba siya nang nakaeksena niya si Bitoy?
“Opo, kasi kapag sinabing Michael V. ay talagang napakalaking pangalan po iyan sa showbiz. Pero ‘yung pagjo-joke niya sa set, nakakatulong po kasi. Na instead na kabahan ka, magiging good vibes lang po lahat.
“Plus, magaling po siya talaga, sobrang gaan din po niyang katrabaho and very professional. Pati po lahat ng casts ng Pepito Manaloto, sobrang nakaka-overwhelm po sa part ko, kasi siyempre mga beteranong artista sila pero sobrang babait po nila at ang sarap po nilang katrabaho,” nakangiting pakli pa ni Ashley.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com