Thursday , June 4 2026
Alfred Vargas Yasmine Espiritu-Vargas

Alfred at Yasmine kinasuhan mga magulang ng umano’y bully ng anak: this is where it stops

NAGHAIN ng criminal complain ang mag-asawang Alfred Vargas at Yasmine Espiritu-Vargas laban sa mga magulang ng isang menor de edad na umano’y nam-bully sa kanilang anak sa ilang swimming activities.

Isinampa ang reklamo sa Office of the City Prosecutor sa Maynila kaugnay ng paglabag sa Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Sa pahayag na inilabas nina Alfred at misis nito, ilang ulit umanong tinulak at inilubog sa tubig ang kanilang anak ng naturang bata sa swimming training sessions. Hindi rin umano pinakinggan ng mga magulang ng bata ang kanilang pakiusap na patigilin ang anak.

“Mayroon pa ngang ginawa ‘yung bully na hindi talaga appropriate at sobrang sakit sa kalooban namin. Kinadyot niya ‘yung anak ko sa malaswang paraan at noong nakita ng misis ko at sinabi sa nanay, tinawanan pa ng nanay at sinabi, ‘He’s just dancing!’,” anang Quezon City Councilor/aktor.

“Every time we go to the parents to try to resolve these issues, we were either dismissed or gaslighted,” dagdag pa ng aktor/politiko.

Umabot pa umano sa sukdulan ang insidente sa isang swimming competition sa Rizal Memorial Sports Complex noong Pebrero, na muli umanong nakita ang pagtulak ng bata sa kanilang anak sa warm-up area na muntik nang makasakit.

Ayon pa sa mag-asawa, tinawanan din umano ng dalawang kaibigan ng bata ang kanilang anak, na nagdulot umano rito ng matinding takot at emotional distress.

Muli rin umanong ipinagsawalang-bahala ng ina ng bata ang aksyon nito at nagkunwaring walang alam. Patuloy din umano itong nagpo-post online ng “misrepresented content.”

Giit pa ni Alfred, nabigo ang mga magulang na gampanan ng mga ito ang kanilang responsibilidad na gabayan at disiplinahin ang kanilang anak, dahilan para maulit ang mga insidente.

Bilang ama, may isang bagay na hindi mo kayang tiisin: ang makita ang anak mo na inaapi,” ani Alfred sa inilabas na statement.

“As a father there is one thing you cannot bear: seeing your child being bullied.

“The only regret we have is we didn’t do it sooner,” dagdag pa ni Alfred.

Anya pa, “Ilan lang ang mga ito sa marami pang ginawa sa anak ko. Hindi ito simpleng ‘away ng bata.’ Hindi ito bagay na dapat palampasin.”

Sa reklamo, idiniin ng mag-asawang Vargas na nabigo ang mga respondent sa kanilang legal na tungkulin sa ilalim ng Family Code na pangasiwaan at disiplinahin ang kanilang anak.

Sa kabila ng pagkakaroon ng aktwal na kaalaman sa mga naunang katulad na insidente na naganap sa mga sesyon ng paglangoy, nabigo umano ang mga magulang na gumawa ng mga epektibong hakbang upang maiwasan ang pag-ulit ng mapanganib na pag-uugali.

Ang kapabayaang ito ay nagbigay-daan sa mga pagkilos na nakapipinsala sa kapakanan ng anak nina Alfred at Yasmine, na bumubuo ng pang-aabuso sa bata sa ilalim ng Seksyon 10(a) ng RA 7610. Ang batas ay nagpaparusa sa mga kilos na nagdudulot ng sikolohikal o emosyonal na pagdurusa, kahit na walang pisikal na pinsala, na sinusuportahan ng itinatag na jurisprudence.

“Bullying is not normal. It is not harmless. It is not acceptable. Maaari sanang maiwasan ang insidente na ito kung hindi napabayaan ang bata ng magulang. Kaya ngayon, pinili naming lumaban. Hindi para maghiganti kundi para manindigan para sa anak ko at para sa lahat ng batang natatakot magsalita,” sambit pa ni Alfred.

Isang masugid na tagapagtaguyod para sa proteksiyon ng bata, nauna nang hinimok ni Alfred ang Quezon City Council na talakayin ang pananagutan ng magulang sa mga kaso ng bullying. Nagpahayag din siya ng suporta para sa mga pambansang hakbang upang palakasin ang mga patakarang anti-bullying at mga sistema ng pag-uulat sa mga paaralan.

Sa pagsasampa ng kasong ito, umaasa ang mambabatas na magsilbing halimbawa ito para sa mga pamilyang nagdurusa sa katahimikan.

“Kung ikaw ay naging biktima ng bullying, o magulang na dumaan dito, alam kong hindi ito madali. Pero hindi tayo pwedeng manatiling tahimik. This is where it stops,” wika pa ni Alfred. (MV)

Krystall Herbal Products and FGO Branches

About Maricris Valdez Nicasio

Check Also

Terry Ridon Sara Duterte

‘Pagtakas’ ni VP Sara sa paglilitis inupakan

MARIING pinuna ng ilang miyembro ng House prosecution panel ang naging sagot ng kampo ni …

Kiko Barzaga

Barzaga pinatalsik na, binura pa sa roster ng House of Representatives

BINURA kagabi, Martes, 2 Hunyo 2026, sa roster ng mga miyembro ng Kamara si Cavite …

PNP PRO3 Central Luzon Police

Sa Pampanga at Nueva Ecija
DALAWANG HIGH-VALUE TARGET TIMBOG SA P2.7-M HALAGA NG SHABU

DALAWANG high-value individuals ang naaresto sa pinaigting na kampanya ng Police Regional Office 3 (PRO3) …

Sibuyas Onions

₱35.4-M puslit na sibuyas nakompiska sa Nueva Ecija masterminds tinutugis

LABIS sa ₱35.4 milyong halaga ng pinaghihinalaang puslit na sibuyas ang nakompiska sa isang cold …

Guho 9-storey bldg sa Balibago, Angeles City, Pampanga

Sa Angeles City
PATAY 20 NA SA GUMUHONG 9-STOREY BLDG

KOMPIRMADONG 20 katao na ang namatay nang pito pang bangkay ang narekober sa gumuhong 9-palapag …