NABISTO ang operasyon ng ipinagbabawal na online sabong sa isinagawang pagsalakay ng mga awtoridad sa isang sabungan sa bayan ng San Ildefonso, lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat ni P/BGen. Jess Mendez, Director ng Police Regional Office (PRO) 3 – PNP, umaktong mananaya ang mga operatiba ng Regional Special Operation Group PRO 3 na sa unang tingin ay ordinaryong sabong ang nakikita nila na nagaganap sa loob ng sabungan.
Hanggang sa bandang huli ay nabisto nila na naka-livestream ang talpakan, na ipinagbabawal na sa batas.
Dagdag ni P/BGen. Mendez, kinukunan nila ng video ang aktuwal na sabong sa sabungan at saka sila magla-live feed at doon tumataya ang mga mananaya.
Sinubukan ng mga nagpanggap na operatiba na tumaya kung saan binigyan sila ng mga resibo ng pinagtayaan na gagamiting ebidensiya.
Dito na sila umaksiyon hanggang nahuli rin sa akto ang ilang tauhan ng sabungan na abala sa pagtanggap ng taya online.
Sinabi ng mga naarestong suspek na may dalawang linggo na silang “engaged” sa ganitong bawal na gawain.
Arestado ng mga operatiba ng PNP Region III at San Ildefonso MPS ang 16 katao, kabilang ang mga nasa likod ng operasyon ng e-sabong at ang lalaki, na nasa ruweda sa e-sabong.
Kompiskado rin ang mga ginagamit na camera, computer at gadget sa online sabong, at tatlong baril.
“They’re claiming na may mga naipresenta naman silang dokumento, firearms na licensed and PTC. Pero kahit may PTC ka, those firearms are not allowed na dalhin mo sa mga lugar gaya ng sabungan, hindi allowed ‘yun. Nakipag-ugnayan tayo immediately sa Firearms Licensing Office, sa FEO, AND we requested na ipa-cancel ‘yung lisensiya nila,” ani Mendez.
Sa pahayag ng PRO 3, tuloy-tuloy ang operasyon nila laban sa mga nagsasagawa ng underground e-sabong sa Central Luzon.
Hindi pa nagbibigay ng kanilang panig ang mga inaresto, na sinampahan ng kaso na posibleng maharap sa parusang anim na buwan hanggang 20 taon na pagkakakulong na may kasamang P500,000 hanggang P5-milyong multa, kapag napatunayang nagkasala. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com