Saturday , June 22 2024
Designers, mga mananahi ng Gitnang Luzon target tulungan ng ‘Pustura’ Fashion Show ng DTI

Designers, mga mananahi ng Gitnang Luzon target tulungan ng ‘Pustura’ Fashion Show ng DTI

MATAGUMPAY na idinaos ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pasinayang pagtatanghal ng ‘Pustura,’ isang fashion show na nagtatampok ng mga makabagong disenyo ng barong, Filipiniana, gowns, bags, wearables at jewelries na likha ng mga designers at mananahi mula sa Gitnang Luzon.

Ayon kay DTI-Region III Regional Director officer-in-charge Brigida Pili, isa itong pangunahing proyekto ng ahensiya upang itaguyod ang mga naghahanapbuhay sa larangan ng Creative Industy.

Pagtugon aniya ito sa kanilang bagong mandato ng ahensiya sang-ayon sa itinatadhana ng RA 11904 o ang Philippine Creative Industry Development Act (PCIDA).

Aabot sa 24 na mga designers mula sa Gitnang Luzon ang nagtanghal ng kani-kanilang mga likha na pawang mga world class na local traditional at modern-inspired fashionable at mga accessories ang natunghayan sa ‘Pustura’ Central Luzon Fashion Show na ginanap sa SM City Pampanga sa Mexico, Pampanga.

Ipinakita ng mga Kapampangan designer ang kani-kanilang yari ng wearables, tiedye shirts, sando at caps habang ang mga produkto ng Aurora ay itinerno sa mga pambansang kasuotan gaya ng tsinelas at pamaypay na gawa sa fossilized cacao; modernong mga hikaw na gawa sa sabutan at kwintas na kalilasa; mga pinintahang bayong bags, at mga bag at sombrerong sabutan.

Kabilang rito ang sari-saring accessories ng Bataan na itinerno sa mga bag na gawa sa balat, mga tsinelas na gawa sa mga gamit nang gulong at ang mga alahas na gawa sa alambre, habang itinampok ng Zambales designers ang mga bag, slip-ons, ginantsilyo at mga macrame bag.

Mayroon ding bag at accessories na gawa sa Tarlac ang ipinakita habang ang Nueva Ecija ay mayroong tinanghal na makabagong disenyo ng Filipiniana at barong samantalang pinalakpakan at nabigyan ng standing ovation ang mga modernong traje de boda, gowns at barong na dinisenyo ng mga Bulakenyo.

Nabuo ng DTI-Bulacan ang titulong ‘Pustura’ noong taong 2023 sa layuning maitanghal ang mga natatanging likhang traje de boda, Filipiniana, baro at saya at mga Barong Tagalog ng mga Bulakenyong mananahi at designers.

Ito na rin ang ginamit na titulo sa idinaos na panrehiyong fashion show na magsisilbing branding ng gagawin nang taunang major creative event.

Ipinaliwanag ni DTI-Region III Assistant Regional Director officer-in-charge at siya ring DTI-Bulacan Provincial Director Edna Dizon, ang ‘Pustura’ bilang isang pangngalan ay nangangahulugan na tindig, bikas, at ayos ng buong katawan.

Bilang isa pang-uri, naglalarawan ang ‘Pustura’ sa pagiging maayos, malinis, at matikas. Hinalimbawa ni Dizon ang isang Bulakenyong sawikain na kadalasang naririnig kapag ang isang tao ay bihis na bihis tulad ng “nakapustura ka na naman, saan ang lakad?”

Kaugnay nito, batid ni Dizon na ang 24 na mga designers na lumahok sa nasabing fashion show ay maliit na bahagi pa lamang sa potensiyal na nasa mahigit 500 mga designers at mananahi pa sa Gitnang Luzon.

Kaya naman tiniyak niya na mas paiigtingin pa ng DTI ang pagtunton sa mga ito upang mas makapagbigay ng tulong ang ahensiya mula sa Malikhaing Pinong Program ng PCIDA.

Samantala, target itanghal sa taunang Likha ng Central Luzon Trade Fair na ginaganap sa Metro Manila ang ‘Pustura’ Central Luzon Fashion Show. Iba pa rito ang planong ganapin din ito sa mga lalawigan ng Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Tarlac at muling ibalik sa Pampanga. (MICKA BAUTISTA)

About Micka Bautista

Check Also

knife saksak

Sinaksak ni Tibo
WAREHOUSE STAFF, SUGATAN

GRABENG nasugatan ang isang warehouse staff matapos saksakin ng kapitbahay na babae na kanyang nakatalo …

dead gun police

Robbery suspect patay 2 pulis grabeng sugatan

PATAY ang isang robbery suspect habang dalawang pulis ang sugatan sa isang enkuwentro sa lungsod …

airplane

Sex convict nagtangkang pumasok sa PH huli ng BI

MULING NAHARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport …

Samuel Pabonita Pasay Police

POGO sa Pasay, krimen walisin — Pasay cop

INAMIN ni Pasay City Chief of Police Col. Samuel Pabonita, malaking bagay para sa seguridad …

3,000 Caviteños Cayetano DSWD

3,000 Caviteños nagpasalamat sa suporta mula sa mag-utol na Cayetano at DSWD

PINAIGTING ng mga tanggapan nina Senador Alan Peter at Pia Cayetano ang kanilang pagbisita sa …