SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio
SOBRA-SOBRA ang pasasalamat ni Janice Jurado kay direk Romm Burlat sa pagkakuha sa kanya para makasali sa pelikulang Manang na handog ng TTP Productions ni Ms Teresita Pambuan.
AngManangay ukol sa istorya ng taong iginagalang na hindi nangangahulugang matanda. Ito ang mga taong dapat inirerespeto. Istorya ng mga guro na maraming aral ang makukuha. Kasama rin sa pelikulang ito sina Julio Diaz, Sabrina M. Tess Tolentino, Carl Vincent Cruz at marami pang iba. Mapapanood ito sa Agosto.
Sa press conference kahapon ng tanghali, sinabi ni Janice na kung hindi dahil sa Manang, hindi siya makukuha ni Coco Martin sa FPJ’s Batang Quiapo.
“Kung hindi dahil sa ‘Manang’ hindi ako makikita at makukuha sa ‘Batang Quiapo’ dahil sa mga publicity nito na itina-tag ako. Hindi kasi nako-convince ‘yung iba na pwede pa ako ulit bumalik sa paggawa ng pelikula dahil marami pa rin ang sabi-sabi na adik pa rin ako,” panimula ni Janice.
Sinabi ni Janice na mas challenge sa kanya ang mga ibinabatong intriga ngayon. “Kung nakapaghintay ako ng matagal na matagal na panahon na hindi ako nabigyan ng pelikula ngayon pa kayang magaling na ako, hindi ako makapaghihintay?
“Ang lesson learned sa nangyari sa buhay ko, siguro ‘wag nang balikan. Siguro tanawin pero ‘wag tambayan. Tanawin mo lang ang iyong nakaraan kasi roon sa nakaraan ko, gastador, hindi marunong mahalin ang trabaho, hindi marunong mahalin ang ka-trabaho, hindi rumerespeto sa katrabaho, hindi minahal ang kinikita. Ngayong kumikita na ako alam ko nang i-manage ang pera ko hindi tulad ng dati, na kapag ginawa ko na naman ang tulad dati alam ko na ang magiging resulta. Kaya hindi ko na gagawin. Lahat ng nangyari sa buhay ko lesson learned.”
Naibahagi rin ni Janice na na-survive niya ang breast cancer dahil naipatanggal na niya ang kanyang dibdib. At kasabay ng pagkakaroon ng breast cancer ay nagkaroon din siya colon at cervical cancer na lahat ay stage 4.
“Papalitan ko na ang zodiac sign ko ng cancer. Cancer free na po ako,” masayang balita ni Janice. “Kasi pinaalis ko na ang lahat—ang matris, suso, tabiso na, wala ng natira. Ang breast ko noong July 22, 2022 lang ako pumayag na alisin kasi siyempre ang tagal-tagal kong dala ‘yan tapos ‘yan ‘yung parang artista eh. Kapag sinabing, ‘Janice lakad,’ ‘yan ang aalog eh, d’yan ako nakilala. Hindi ko pa siya kayang tanggapin na flat chested na ako. Eh nag-iisip na ako kung sino kayang doktor ang gagawa nito (boobs) para ibalik.”
At kahit hindi na nagpapa-sexy si Janice aminado siyang malungkot sa pagkawala ng dibdib. At dito napansin naming medyo naluluha na ang aktres.
“Kapag naliligo ako, umiiyak pa rin ako,” pag-amin ni Janice. “Ngayon hindi na kasi tanggap ko na, pero noon talaga,” at tuluyan nang tumulo ang luha ni Janice.
Ang dahilan ng pagluha niya, “hindi eh, hindi siya nawala,” sabi nito habang nagpupunas ng luha. “Nag recur siya eh (cancer). Kaya nga naiinis ako dapat hindi ko na ipinatanggal kasi bumalik din naman. Sabi nila kapag tinanggal na lahat mawawala na eh bumalik siya eh (cancer). Mas lalo na siyang mahirap tanggalin ngayon (bukol) kasi flat siya eh. Pwede siyang pumasok sa lungs. Kasi kung andyan lang ang breast ko roon siya lahat papasok eh. Doon lang lahat ang cancer. Pero ngayong tinapyas siya, tinaggal lahat, delikado ang lungs ko,” pag-aalalang pagbabahagi ni Janice.
“Iyon ang nakakatakot ngayon, didiretso siya sa lungs,” ani Janice. “Kaya kapag inuubo ako, tumatakbo agad ako sa ospital kasi baka iyon na naman… siguro kung iyong cancer ko sa breast, iyong cancer ko sa colon at sa cervical nakuha sa dasal, bakit hindi makukuha itong sa breast ko uli. Kaya nga sa Diyos na lang ako kumakapit kasi wala na silang tatanggalin na halimbawang sabihin nila na alisin.
“Noong unang nagpa-check-up uli ako stage 2-B eh, kapag sinabi nila na stage 3, stage 4 sasabihin ko ‘hayaan mo nang mag-stage 6 ‘yan wala na tayong magagawa, tapyas na ‘yan eh, saan pa siya papasok?’ Doon nga sa lungs.
“Kaya dapat ko iyong alagaan, ‘wag magpapawis, kapag nagpapawis ‘wag papasok sa aircon. Kapag may kaunting ubo check-up agad, kasi iyon ang delikado. Sa matres ko naman, wala na rin, wala nang kakapitan, ang kakapitan na lang eh ang aking kidney at ang aking bladder. Eh ngayon mayroon akong in active bladder, ano na ang mangyayari roon? Tatanggalin na rin ang bladder ko, ano na ang mangyayari, lahat na lang ng lamanloob ko inalis, kaya dasal na lang talaga.
“At ang unang-una kong ipinagpapasalamat sa Diyos ngayon ay malusog ako, ang memory ko okey pa kasi kapag nagkaroon ka ng ilang beses na operasyon, may 13 operasyon ako, hihina ang memorya. Walong operasyon kasi sa dibdib ko dahil sa laki, kapag may bukol, opera ng opera hangga’t maubos na,” anito pa.
Inamin pa ni Janice na hindi niya gusto talagang ipaalis ang kanyang dibdib. “Ayaw ko talaga tulad ng kapag kailangan kong mag-plunging neckline tingnan n’yo, (at ipinakita ang dibdib sa amin) nakikita iyong tahi eh, iyong role ko sa ‘Batang Quiapo’ puro malalalim ang damit na isinusuot ko kaya minsan pumupunta ako ng banyo, naiiyak ako at sinasabi ko sa sarili ko, ‘dapat hindi ko ipinaalis ito (suso).’ Pero itinataas-taas ko na lang. At minsan talagang nai-insecure ako kaya sinasabi ko na lang ito ang ibinigay sa akin ng Diyos, buhay pa ako, nakakaarte pa ako kaya pasalamat pa rin ako sa Diyos.”
May nag-o-offer daw kay Janice na lagyan siya ng artificial boobs, “‘wag na baka lalong kapitan pa, hayaan na lang na ganito, siguro naman kapag nagka-boyfriend ako tatanggapin niya na wala ito. At tinanggap ko na sa sarili ko kamakailan, noong nagka-usap-usap kami ng mga anak ko, napapansin nila na malungkot ako, naikuwento ko nga ang tungkol sa boobs ko at nasabi nila na hindi ito importante, ang importante ay buhay ako.
“At okey naman kasi kapag galing sa anak ko iba ako, iba ang glow ko, iba talaga ang anak kapag pinanggalingan,” mahabang kuwento pa ng aktres.
Bukod sa Manang, napapanood si Janice sa Batang Quiapo at umaasa siyang magtatagal pa ang role na ibinigay sa kanya ni Coco.