Tiwala ng Pinoys kay VP Leni lalong lumalakas

LALO pang dumarami ang mga Filipino na nag­ti­tiwala kay Vice Presi­dent Leni Robredo, na nagpapatuloy sa kani­yang trabaho kahit kapos sa pondo at kaliwa’t kanan ang hinaha­rap na pagsubok sa kaniyang man­dato.

Ayon sa pinaka­ba­gong survey na inilabas ng Pulse Asia, bilib pa rin ang mayorya sa trabahong gi­na­gawa ng Bise Presi­dente, na nakakuha ng 55% approval rating sa ikalawang quarter ng taon.

Mas mataas ito ng anim na percentage points kompara sa nakuha niya noong Marso.

Samantala, luma­lakas pa ang tiwala ng taong-bayan kay VP Leni, na nakatanggap ng 52% trust rating sa June 2019 survey. Limang puntos ang itinaas nito mula noong unang bahagi ng taon.

Malaki ang pasasa­lamat ng kampo ng Bise Presidente sa paglaki ng suporta at tiwalang kaniyang natatanggap.

Ayon sa kaniyang tagapagsalita na si Atty. Barry Gutierrez, magsi­sil­bi itong inspirasyon para lalo pang pag­husayan ni VP Leni ang kaniyang trabaho — lalo na para sa mga nanga­ngailangan.

Umarangkada ang suporta kay VP Leni sa Mindanao, na nakapag­tala siya ng 57% trust rating, o pagtaas ng 14 percentage points mula Marso.

Hanga rin sa kani­yang pagtupad ng traba­ho ang mas maraming taga-Mindanao, na bi­nigyan siya ng 63% approval rating, na mas mataas nang 11 percen­tage points.

Solid pa rin ang Visa­yas para sa Bise Presi­dente, na nakatanggap mula roon ng 66% appro­val rating — mas mataas nang 9 percentage points — at 58% trust rating.

Bumuti rin ang ratings ni VP Leni sa Luzon, na nagbigay sa kaniya ng 52% approval at trust ratings.

Maugong ang tiwala sa Pangalawang Pangulo ng mga Filipino na nasa laylayan. Tumaas pareho ng 6 percentage points ang trust ratings na ibinigay sa kaniya ng Class D at E, na ngayon ay nasa 52% at 56% na.

Samantala, aprub ang mas maraming Filipino — anuman ang lagay sa buhay — sa trabahong ginagawa ni VP Leni.

Nakakuha siya ng 42% approval rating sa mga nakaaangat sa bu­hay na nasa Class ABC, pagtaas ng 4 percentage points mula Marso. Binigyan siya ng 54% ng Class D at 60% ng Class E, na parehong mas ma­taas kompara sa unang bahagi ng taon.

HATAW News Team