Sunday , July 21 2024

Ebidensiya vs 5 generals ayaw ibunyag ng Palasyo

070716_FRONT

TUMANGGI ang Palasyo na ibunyag ang mga ebidensya laban sa limang heneral na inakusahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang protektor ng illegal drugs.

“The evidence (documentary or testimonial) against the named generals should not be released yet as it may prejudice the administrative and criminal investigation/s & case/s against them,” ayon kay Communications Secretary Martin Andanar kahapon.

Giit niya, ang maagang pagsasapubliko ng mga katibayan sa pamamagitan ng media ay maaaring labag sa karapatan ng mga akusado sa “due process.”

“A premature release through the media may also violate the constitutional right to due process of those involved,” ani Andanar.

Kamakalawa ay isiniwalat ni Duterte sa 69th anniversary ng Philippine Air Force (PAF), na protector ng illegal drugs sina dating Philippine National Police (PNP) deputy director Gen. Marcelo Garbo Jr., at Gen. Vicente Loot, at mga aktibo pa sa PNP na sina Gen. Bernardo Diaz, dating hepe ng Police Regional Office 6, dating National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Joel Pagdilao, at dating Quezon City Police District (QCPD) chief Edgardo Tinio.

Idinagdag ni Andanar, ang National Police Commission ang may saklaw sa mga kasong administratibo laban sa mga opisyal ng PNP ngunit ang pinakamabigat na maipapataw na parusa sa kanila’y pagtanggal lang sa serbisyo.

“Only administrative cases will be filed there. Ultimate penalty they can give is dismissal from service,” aniya.

Habang pinayuhan ni Presidential Spokesman Ernesto Abella ang publiko na hintayin na lang ang mga susunod na kaganapan sa nasabing isyu.

Nang tanungin kung hihingi ng paumanhin ang Pangulo sa mga heneral sakaling mali ang kanyang akusasyon sa kanila: “Let us wait for developments,” sabi ni Abella.

Sangkot sa droga
32 PULIS-NCR IPINATAPON SA MINDANAO

NASA 32 pulis na nakadestino sa National Capital Region Police Office (NCRPO), sinasabing sangkot sa illegal drugs, ang ipinatapon ni PNP chief Ronald Dela Rosa sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Kamakalawa, inilabas ng Kampo Crame ang re-assignment order ng nasabing mga pulis na epektibo Enero 1, 2016.

Ilan sa kanila ay dating nakatalaga sa Quezon City District Anti-Illegal Drugs sa ilalim ng pamumuno ni dating QCPD director Chief Supt. Edgardo Tinio.

Habang ang iba ay mula sa NCRPO Regional Anti-Illegal Drug Unit sa pamumuno ni dating NCRPO chief Police Director Joel Pagdilao.

Nabatid din na ilan sa kanila ay kasama sa hinarang na buy-bust operation sa Baliwag, Bulacan noong Hunyo.

Nabatid na sa 32 pulis na sangkot sa ilegal na droga, 11 dito ang tinaguriang ninja cops na mga pulis na nagre-recycle ng droga.

Ayon kay PNP Chief Ronald Dela Rosa, ang isang alagad ng batas ay nanumpa na kahit saan ay puwedeng madestino.

Samantala, nasa 15 pulis mula sa 32 na ipinadala sa Mindanao ay magre-report sa Police Regional Office 9 (PRO-9).

Una nang sinabi ni Dela Rosa, kanyang ide-deploy sa probinsiya ng Basilan, Sulu at Tawi Tawi ang ninja cops na nagre-recycle ng ilegal na droga.

TEAM VS NARCO-GENS BINUO NG NAPOLCOM

BUMUO na ang National Police Commission (Napolcom) ng legal team na mag-iimbestiga sa pagkakasangkot ng tatlong aktibong police general sa isyu ng ilegal na droga.

Ayon kay Napolcom Executive Officer Atty. Rogelio Casurao, sisikapin ng investigating team na makapaglabas ng report sa loob ng isang buwan bago desisyonan ang kaso ng police officials.

Kabilang sa mga ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na protektor ng droga sina Police Director Joel Pagdilao, Gen. Bernardo Diaz, ex-QCPD Director Edgardo Tinio, ret. Gen. Marcelo Garbo at ret. Gen. Vicente Loot.

Ngunit paglilinaw ni Casurao, limitado lang ang kanilang aksiyon para sa tatlong aktibong heneral, habang si Loot na mayor na sa Daan Bantayan sa Cebu ay DILG na ang gagawa ng nararapat na hakbang.

MORALE NG PNP MATAAS PA RIN — GEN. BATO

TINIYAK ni PNP chief, Director General Ronald Dela Rosa, nananatiling mataas ang morale ng PNP kahit tatlo sa kanilang matataas na opisyal ang pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa ilegal na droga.

Sinabi ni Dela Rosa, ang kinakaharap nilang isyu ngayon ay bahagi lamang ng pagsubok sa buhay at darating ang panahon na lilipas din ito.

Pagbibigay-diin ng heneral, psitibo nilang tinatanggap ang nasabing isyu.

Aniya, sa pagtukoy sa tatlong heneral na sangkot sa illegal drugs, umaasa si Dela Rosa na magsisilbi itong leksiyon sa mga pulis.

Inihayag din ni PNP chief, napakalaki ang epekto nito lalo sa tatlong heneral na isinasangkot sa ilegal na droga.

Siniguro ni Dela Rosa, kahit upper classmen niya ang nasabing mga heneral, gagawin niya ang kanyang makakaya para sila ay suportahan.

Aniya, aasahan pa raw sa mga susunod na araw na may mga pangalan pang ilalabas si Pangulong Duterte.

Pagbibigay-diin ng PNP chief, bilang pangulo ng bansa, may access si Duterte sa lahat ng mga impormasyon mula sa iba’t ibang intelligence agencies pati na rin ang mga impormasyon na nanggagaling sa ibang bansa gaya ng United States Drug Enforcement Agency (USDA).

Tinukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte sina dating NCRPO chief, Police Director Joel Pagdilao, dating QCPD director Chief Supt. Edgardo Tinio at Chief Supt. Bernardo Diaz.

Samantala, ikinatuwa ni Dela Rosa ang pagpapakitang gilas ngayon ng mga pulis lalo sa kanilang anti-illegal drug operations.

ni ROSE NOVENARIO

About Rose Novenario

Check Also

Collectors Con Year 2 Funkos The Block Atrium SM North EDSA

Collectors Assemble: Collectors Con Year 2 brings Exclusive Drops, Limited-editions and Supersized Funkos

Promising the ultimate collector’s adventure in the North, Collectors Con is back at The Block …

CPP PNP NPA

Miyembro ng CPP-NPA boluntaryong sumuko sa Bulacan police

ISANG miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang boluntaryong sumuko sa …

SSS Cellphone

SSS nagbabala sa miyembro at publiko sa mga pekeng alerto sa text

BINALAAN ng Social Security System (SSS) ang mga miyembro nito at ang publiko na maging …

Arrest Posas Handcuff

  Kawatan sa coffee shop, timbog

DAHIL sa mabilis na pagresponde ng mga awtoridad ay kaagad naaresto ang isang lalaki na …

071824 Hataw Frontpage

Sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga
POGO ‘TORTURE DEN’ VIDEO FOOTAGES INILABAS SA PAGDINIG NG KAMARA

HABANG mainit ang galit ng mga mamamayan sa mga natuklasang ilegal na Philippine Offshore Gaming …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *