This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
NAKATAKDANG paimbestigahan ni Senadora Cynthia Villar kung saan napunta ang P23 milyon nalikom na blood money para maisalba sana ang buhay ni Joselito Zapanta, isang overseas Filipino worker (OFWs) na nabitay sa Saudi Arabia.
Ang pagnanais ni Villar na maimbestigahan ang blood money ay makaraang humingi ng tulong sa kanya ang pamilya ni Zapanta.
Tinukoy ng mga magulang ni Zapanta, makaraang mabitay ang kanilang anak, isang buwan na ang nakalilipas, wala man lamang ni isa sa mga kinatawan ng pamahalaan ang nakipag-ugnayan sa kanila para mapagkalooban sila ng tulong.
Magugunitang hindi sumapat ang naturang halaga para maisalba ang buhay ni Zapanta at sa dami ng mga nagbigay ng donasyon ay hinahanap nila kung saan napunta ang nasabing halaga.
Nabatid na kabilang si Villar sa mga nagbigay ng donasyon na nagkakahalaga ng P100,000.
Samantala, tinukoy ni Toots Ople ng OPLE Foundation, isa sa mga tumutulong sa OFWs, nasa account ng Philippine Embassy sa Riyadh ang blood money at nasa ilalim ng pangangasiwa ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Dahil dito, tiniyak ni Villar na maghahain siya ng isang resolusyon bago matapos ang sesyon, upang magkaroon ng imbestigasyon kaugnay sa isyu.
Napag-alaman, nagkaloob si Villar ng financial at livelihood assistance para sa mga magulang ni Zapanta.
Umaaasa si Villar na mapapalago ng pamilya ni Zapanta ang kabuhayang ipinagkaloob niya para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.