This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
HINDI na umabot nang buhay sa pagamutan ang isang 63-anyos taxi driver habang sugatan ang kanyang pasahero makaraang sumalpok ang kanilang sasakyan sa poste ng signages sa Commonwealth Avenue sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Quezon City Police Traffic Enforcement Unit, Sector 5, kinilala ang namatay na si Isidro Gayagot, ng C. Bernardino St., Gen. T. de Leon, Valenzuela City.
Habang sugatan ang pasahero niyang si Mary Grace Padilla, 23, may asawa, ng Lolomboy, Bocaue, Bulacan.
Sa imbestigasyon ni PO2 Alfredo Moises III, dakong 10 p.m. nang mangyari ang insidente sa Commonwealth Avenue, malapit sa Central Avenue, Brgy. New Era, ng lungsod.
Minamaneho ni Gayagot ang kanyang taksing Toyota Vios sedan (UVY-345) sakay si Padilla galing Fairview patungong Philcoa, pagsapit sa lugar ay nawalan ito ng kontrol at sumalpok sa steel post signages na nakatayo sa lugar.
Sa lakas ng impact, nayupi ang unahang bahagi ng taxi kaya humampas ang katawan ni Gayagot sa manibela bukod pa sa pagkaipit ng dalawang binti dahil pumaloob ang makina ng taxi sanhi ng pagkakasalpok.
Nahirapan ang rescue team na makuha si Gayagot dahil sa pagkakaipit bago isinugod sa East Avenue Medical Center ngunit hindi na umabot nang buhay.
Isinugod din sa naturang ospital ang pasaherong babae dahil sa iniindang pananakit ng katawan at upang malapatan ng lunas.