This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
KOMPIYANSA si Senate President Franklin Drilon na maipapasa ang 2016 proposed national budget sa unang linggo ng Disyembre at agarang maisusumite kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, isang linggo bago sumapit ang 2016, para mapirmahan at maging ganap na batas.
Ayon kay Drilon, kanyang kakausapin si Senate Committee on Finnace Chairman Senadora Loren Legarda na kanyang i-sponsor ang 2016 proposed national budget sa Nobyembre 11 para maisalang na sa ‘period of interpellation.’
Tinukoy ni Drilon, panandaliang mauudlot ang pagtalakay sa budget sa Nobyembre 17 hanggang 19 dahil walang pasok bunsod ng APEC Summit.
Siniguro ni Drilon, agad ding maibabalik ang pagtalakay makaraan ang ilang araw na walang pasok.
Inamin ni Drilon, kanya ring pakikiusapan ang kanyang kapwa senador na aprubahan nila at matapos ang panukalang pondo sa unang linggo ng Disyembre.
Iginiit ni Drilon na mahalagang isabatas ang panukalang pambansang budget para sa 2016 bago matapos ang taon upang hindi isang re-enacted budget ang gamitin ng pamahalaan.