This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
HINDI lang isa kundi marami na po tayong reklamong natatanggap tungkol sa nakausli at basag-basag na floor tiles diyan sa SM City, Molino.
Ang pinakahuling insidente nga ‘e talagang naperhuwisyo pati hanapbuhay at trabaho ng biktima.
Mantakin ninyong naglalakad kayo sa loob ng isang mall tapos biglang sasabit ang takong ng sapatos ninyo. Aba siyempre, tiyak na mada-dapa o matutumba kayo.
Kahit hindi nakatakong, kahit nakasapatos o naka-tsinelas pa tiyak na matitisod sa nakausling basag-basag na floor tiles.
‘E paano kung toddler o bata ang biktima, sino ang sisisihin ‘yung magulang na kasama o kaya ‘yung yaya?!
Dahil nadapa nga ‘yung pinakahuling biktima nagkaroon siya ng injury sa paa at naturalmente hindi siya nakapagtrabaho nang ilang araw.
Hindi po siya rich.
Ang kanyang kabuhayan ay iniaasa lang niya sa kanyang suweldo bilang isang empleyado. ‘E kung ganyang naaksidente siya, ano ang mangyayari sa hanapbuhay niya?!
Naghain nga raw siya ng demand letter para sa compensation for loss of income and opportunities noong Setyembre 10 (mag-iisang buwan na po) pero lagi lang sinasabi sa kanya na i-follow-up na lang.
Bago naman matapos ang Setyembre ‘e naibalik sa kanya ‘yung nagastos niya sa gamot at x-ray pero ‘yung araw na hindi siya nakapagtrabaho ‘e hindi na isinama sa bayad.
Bukod doon pinapipirma pa siya sa isang waiver na matapos siyang mabayaran sa nagastos niya sa ospital ay wala nang pananagutan sa kanya ang management ng Mall.
E paano ‘yung araw na hindi siya nakapagtrabaho dahil sa injury na nakuha niya sa nasabing insidente? Wala na lang ba ‘yun?
Noong una ay humaharap pa sa kanya ‘yung manager, aba nitong huli ay pinagtataguan na rin daw siya.
Ano ba talaga ang nangyari SM City Molino manager?!
Hindi ba ninyo naiintindihan na mayroon kayong pananagutan dahil ang perhuwisyong inabot ng biktima ay dahil sa nakausling floor tiles ninyo?!
Tutal naman ay binayaran na ninyo ‘yung tao sa mga gastos niya sa inisyal na pagpapagamot niya bakit hindi pa ninyo lubusin nang sa gayon ay makita talaga na in good faith kayo sa pagtulong sa kapwa.
Marami kayong ipinakikitang charity works bilang corporate social obligations bakit hindi ninyo unahin bigyan ng konsiderasyon ang mga napeperhuwisyo ninyong customers dahil sa mga basag-basag na floor tiles ninyo.
Uulitin ko lang, sana hindi bata ang maaksidente diyan sa dispalinghado ninyong floor tiles, dahil kung hindi, tiyak na sasakit ang ulo ninyo!
[divider] Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0926.899.91.27 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com