This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
NAGBIGTI ang isang 10-anyos batang lalaki kamakalawa ng gabi sa siyudad ng Muntinlupa.
Wala nang buhay ng idating sa Alabang Medical Hospital ang grade 3 pupil na si Chris, natagpuang nakabigti sa pader ng kanilang bahay sa Phase 3, Southville, Brgy. Poblacion ng lungsod.
Base sa ulat na natanggap ni Muntinlupa City Police chief, Sr. Supt. Allan Nobleza, kasalukuyang nasa bahay ang kapatid ng biktima na si Rosemarie kasama ang nobyo nang dumating si Chris dakong 6:20 p.m. galing sa paaralan.
Habang nanonood ng telebisyon, inireklamo ng biktima sa kanyang ate na pinagalitan siya ng kanyang titer sa kanilang paaralan. Ngunit hindi nabanggit sa report kung ano ang dahilan.
Makaraan ang ilang sandali ay nakita ni Rosemarie na kinakalas ng biktima ang handle ng kanyang bag at pinaglaruan.
Hanggang dumating sa kanilang bahay ang isang Andy Perez at isinumbong na inaway ang kanyang anak ni Chris.
Bunsod nito, hinanap ni Rosemarie ang kapatid upang tanungin kung bakit nakipag-away, ngunit hindi niya natagpuan ang biktima.
Dakong 7 p.m. ipinasya ni Rosemarie na hanapin ang kanyang kapatid sa likod ng bahay at nagulantang nang makita ang kapatid habang nakabigti sa pader ng bahay gamit ang handle ng bag.