This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
PATAY ang sinasabing kilabot na tulak ng droga at upahang mamatay tao habang nasa kritikal na kondisyon ang kanyang kasama, at sugatan ang isang pulis sa palitan ng putok kahapon ng umaga sa Makati City.
Agad binawian ng buhay ang suspek na si Christopher Cruz alyas Balo, nasa hustong gulang, ng P. Mariano St., Brgy. Ususan, Taguig City, tinamaan ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Habang nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Makati ang kasama niyang si John Paul Soria, 26, ng 82 P. Mariano St. ng nasabi ring barangay, tinamaan ng bala sa mukha at katawan.
Samantala, ginagamot sa Makati Medical Center si SPO2 Donnie Tidang, nakatalaga sa Intelligence Unit ng Makati City Police, dahil sa mga tama ng bala sa braso at hita.
Sa pagsisiyasat ni SPO2 Jayson David, naganap ang insidente dakong 6:10 a.m. sa Adahlia St., Brgy. Rizal, sa naturang lungsod.
Nagsasagawa ng follow-up operation si SPO2 Tidang sa naturang lugar dahil matagal nang wanted sa batas si Cruz.
Ngunit hindi akalain ni SPO2 Tidang na may nakapagbigay ng tip kay Cruz na pinaghahanap siya.
Makaraan ang ilang saglit, dumating ang mga suspek na lulan ng motorsiklo at tinutukan si SPO2 Tidang.
Ngunit naging mabilis si SPO2 Tidang, naunahan niyang paputukan ang mga suspek hanggang magpalitan ng putok.
Napuruhan ang mga suspek hanggang malagutan ng hininga si Cruz habang si Soria ay isinugod sa pagamutan gayondin si SPO2 Tidang na sugatan din.