HINDI magkakaroon ng kapayapaan kung walang katarungan at hindi naman magkakaroon ng katarungan kung walang katotohanan. Kung ipag-pipilitan ni Pangulong BS Aquino at mga naïve na amuyong nito tulad ni Aling Teresita Deles at Manang Miriam Coronel-Ferrer na ipasa ang Bangsamoro Basic Law (BBL) kahit wala pang katarungan para sa 44 na Philippine National Police-Special Action Force personnel na nilapastangan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ay lalong malabong makamit ang kapayapaan sa lupang pangako. Humihingi ng katotohanan ang mga naiwang kamag-anak ng SAF 44, katarungan naman ang sigaw ng bayan at kapayapaan ang dalangin ng lahat pero dapat munang magising sa katotohanan si BS Aquino, Deles at Ferrer na hindi MILF lamang ang dapat kausapin para sa kapayapaan. Hindi BBL ang sagot kundi ang malaya at demokratikong konsultasyon sa lahat ng mamamayan ng Mindanao. May palagay akong tama ang obserbasyon ni Sen. Allan Peter Cayetano na mas mukhang spokesperson ng MILF si Deles at Ferrer kaysa tauhan ng pamahalaan.