This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
INIREKLAMO ng prosekusyon sa Sandiganbayan First Division ang sinasabing pag-alis ni Sen. Bong Revilla sa kanyang piitan sa PNP Custodial Center upang dumalo sa birthday celebration ni Sen. Juan Ponce Enrile sa PNP General Hospital.
Ayon kay Office of the Special Prosecutor Dir. Joefferson Toribio, isang “serious violation of the court’s order” ang ginawa ni Revilla na nakunan ng retrato sa ospital kung nasaan nakapiit si Enrile.
Ngunit sagot ng kampo ni Revilla, bagama’t totoong nasa ospital siya noong Pebrero 14, dinala siya roon dahil sa iniindang “cold sweats, stiffness and pain on the back and neck, as well as debilitating migraine.”
Hindi aniya siya pumunta sa kwarto ni Enrile lalo’t 30 minuto lang siya sa ospital.
Tinawag niyang malisyoso, walang basehan at pawang kasinungalin ang paratang ng prosekusyon laban sa kanila.
“The Special Prosecutors have again gone lengths to propagate lies and put me in a bad light,” nakasaad sa statement ng nakapiit na senador.
Gayonman, hindi niya binanggit ang retrato sa kanyang inilabas na pahayag.
Nakabinbin sa korte ang mosyon ng prosekusyon na ilipat sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig si Revilla.