MALINAW na malinaw pa sa sikat ng Haring Araw na alam ni Pangulong BS Aquino bago at matapos ang mga pangyayari sa Mamasapano, Ma-guindanao kung saan inubos ng Moro Islamic Liberation Front ang 44 miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force matapos nilang likidahin ang isang notoryus na banyagang terorista. Napatunayan ng bayan nitong huling hearing ng senado na alam ni BS Aquino ang lahat, lalo na ang plano ng PNP-SAF sa likod ng operasyon. Nakita rin ng lahat na si Director Getulio Napenas ay “fall guy” lamang para sa isang kapangyarihan na nagpipilit magkubli sa anino ng dating pinuno ng PNP-SAF. Lumabas sa matalas na pagtatanong ni Senadora Miriam Defensor Santiago na tatlong tao lamang mula sa ating pamahalaan ang talagang nasa likod o nakaaalam ng mga sensitibong detalye kaugnay ng madugong operasyon – sila ay sina BS Aquino, Police Director General Alan Purisima at Napenas.